Isang malamig na bangkay ng promodizer, na may matindi umanong pinagdadaanan, ang natagpuan sa loob ng isang apartment sa Quezon City nitong Biyernes.
Inaalam na ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang pagkamatay ni Rap-Rap Lorsano, 30, na natagpuang nakabulagta dakong 3:00 ng madaling araw sa kanyang tinutuluyan sa Barangay Bahay-Toro.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Jenalyn, nakita niyang nakabulagta sa semento si Lorsano na may nakapulupot na wire ng plantsa sa leeg.
Agad umanong humingi ng saklolo si Jenalyn sa kanilang mga kasamahan at katrabaho ni Lorsano na si Jerome Binondo, at isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital. Gayunman, idineklara na itong dead on arrival.
Isiniwalat ni Jenalyn na may matinding pinagdadaanan ang kanyang kapatid at minsan na itong isinugod sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City noong Nobyembre 2012. Inamin din ni Jenalyn na minsan nang nagtangka ang biktima na magpakamatay.
Simula noon, niresetahan na ng mga doktor si Lorsano ng anti-depressant medicine araw-araw.
Ngunit ayon kay Jenalyn, huminto ang kanyang kapatid sa pag-inom ng maintenance pills nitong mga nagdaang araw dahil, ayon sa biktima, hindi umano siya nakakatulog dahil sa iniinom na gamot.
At sa posibilidad na ito ang naging dahilan upang ituloy ng biktima ang pagpapakamatay, nananatiling palaisipan sa mga pulis kung may foul play na naganap sa pagkamatay ni Lorsano.
Batay sa inisyal na pagsusuri sa bangkay ni Lorsano, bukod sa mga marka sa kanyang leeg, may mga saksak din ito sa sikmura.
Habang walang natagpuang kahit anong uri ng patalim sa pinangyarihan sanhi para magtamo ito ng mga saksak.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente, ayon sa QCPD-CIDU. (Vanne Elaine P. Terrazola)