Hindi nagdalawang-isip pa ang mga awtoridad na pagbabarilin hanggang sa mapatay ang dalawang lalaki na huli sa aktong bumabatak ng shabu sa Binondo, Maynila nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni PO3 Bernardo S. Cayabyab, case investigator, ang mga napatay na suspek na sina Dennis “Buwaya” Ragub, nasa edad 35 hanggang 40, at Frank “Panke” Bural, 29, kapwa residente ng 786-B Sevilla Street, Binondo.

Bago ang nangyaring putukan, nakatanggap ng impormasyon ang Meisic Police Station na may nangyayaring pot session sa pugad ng mga suspek.

Agad nagtungo ang anti-illegal drugs operatives sa nasabing lugar at nahuli sa aktong bumabatak sina Ragub at Bural dakong 6:00 ng gabi.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Sa halip na isuko ang kanilang mga sarili, parehong binunot nina Ragub at Bural ang kani-kanilang baril at pinaputukan ang mga pulis, ngunit nabigo ang mga ito dahil agad nakaiwas ang mga awtoridad.

Dahil dito ay napilitan ang mga pulis na paulanan ng bala sina Ragub at Bural sa tumama sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.

Sa pagsasagawa ng imbestigasyon, sinabi ng mga kapitbahay ng mga suspek na kilala ang mga ito sa pagnanakaw na bumibiktima sa mga tindero’t tindera ng prutas at gulay sa Divisoria.

Nasamsam sa pinangyarihan ang limang sachet ng pinaghihinalaang shabu, improvised tooter at kalan, gunting, foil, at lighter. Nakakuha rin ng dalawang kalibre .38.

Patuloy pa rin ang mga awtoridad sa pag-iimbestiga sa kaso. (MARY ANN SANTIAGO at ANALOU DE VERA)