SA botong 14-4, pabor kay ex-President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, idinismis ng Supreme Court (SC) ang kasong plunder o pandarambong laban sa kanya. Iniutos ng SC ang pagpapalaya mula sa hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) na naging “tirahan” niya sa loob ng apat na taon.

Agad nagpasalamat si ex-PGMA kay President Rodrigo Roa Duterte at sa kanyang mga supporter na hindi nang-iwan sa kanya sa krisis sa kabila ng ‘di umano’y hindi matapus-tapos na benggansa at paninisi sa kanya ni ex-President Noynoy Aquino. May nagtatanong: Noong 2010, pinalitan ni PNoy si GMA bilang pangulo. Ngayong 2016 na laya na si Aleng Maliit, pumalit naman kaya ang binatang dating Pangulo sa VMMC o kahit saang detention cell?

Ganito ang pahayag ni GMA: “My most profound appreciation to his excellency, Rodrigo Duterte for allowing due process to take its course”. Sinabi ni Aleng Maliit na siya ay dadalo bukas (Hulyo 25) sa unang State of the Nation Address (SONA) ni President Rody na noong nakaraang kampanya sa panguluhan ay nangakong tutulungan niyang makalaya ang dating pangulo.

Bukod sa pagdalo sa SONA ni Mano Digong, inihayag ni GMA na inilarawan ni PNoy bilang “mukha” ng kurapsiyon nang palitan niya ito bilang pangulo noong 2010, na kikilos siya at gagawa ng mga hakbang upang “balikan” at papanagutin ang nagpahirap sa kanya sa loob ng ilang taon. Pinasalamatan din niya ang Diyos “for stopping five years of persecution.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa SONA ni Mang Rody, iiwasan itong maging parang isang “fashion show” ng kababaihang mambabatas o ng mga ginang ng mga kongresista. Magiging simple ito sapagkat si Pres. Duterte ay isang simpleng tao at isang probinsiyano na ayaw sa pabonggahan at payabangan. Isipin mo nga naman na kayraming Pinoy na hindi makabili ng isang salop na bigas, pero heto ngayon ang mga ginang na ang suot na damit ay nagkakahalaga ng libu-libong piso.

Kung pag-aaralan at susuring mabuti, talagang ang kapalaran ng tao ay parang isang gulong. Minsan nasa ibabaw, minsa’y nasa ilalim. Pana-panahon lang ‘ika nga. Laya na ngayon si GMA, pero ang bilyonaryong si ex-VP Jojo Binay ay pinagbabawalang makalabas ng bansa ng korte. Laya na si Aleng Maliit at sa mga susunod na mga araw o panahon, baka si PNoy naman daw ang pumalit sa kanya sa VMMC bunsod ng katakut-takot na kaso, tulad ng Disbursement Acceleration Program (DAP), Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 SAF commando at iba pa.

Maghintay na lang tayo sa laban ni Digong sa illegal drugs. Hintayin natin kung masusugpo ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Sa ngayon, marami nang naitutumbang drug pusher at user, pero wala pang bigtime drug lord ang naibubuwal ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa. Dapat tandaan na kung walang suppliers ng drugs, walang pushers o users. Well, iligpit ang mga drug lord para wala nang drug supplies! (Bert de Guzman)