Naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara na ang layunin ay mapawalang-saysay ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng United States of America at ng Republic of the Philippines.

Sinabi ni Rep. Ariel Casilao (Partly-list, Anakpawis), pangunahing may-akda ng House Resolution No. 31, nilalabag ng EDCA ang soberanya ng Pilipinas, inilalagay sa panganib ang “geo-political situation” sa West Philippine Sea, naninilikado ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at indigenous people.

Nilagdaan ang EDCA ni ex-President Benigno Simeon Aquino III at US President Barack Obama nang magsagawa ng state visit sa bansa ang US president noong Abril 28, 2014.

Bago ang lagdaan, ayon kay Casilao, hindi isinapubliko ang mga detalye ng kasunduan at maging ang preparatory meetings na ginawa ng Department of Foreign Affairs, Department of National Defense at Office of the President kaugnay ng drafting o pagsusulat ng Framework Agreement for the Increased Rotational Presence, na nagsimula noon pang 2011.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sinabi niya na naapektuhan ng Balikatan Military Exercises ang mga komunidad ng mga magsasaka at ng mga Aeta na naninirahan sa paligid ng Camp O’ Donnell at Crow Valley mountain range sa Capas, Tarlac, sa Clark Air Base, Pampanga, at Fort Magsaysay Military Reservation.

Sinabi naman ni Rep. Carlos Zarate (Partylist Bayan Muna), co-author ng panukala, na pinabilis ng EDCA ang pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas ng US military vessels na maaaring kargado ng WNDs (weapons of mass destruction), gaya ng submarines USS Ohio, isang nuclear-powered submarine ng US Navy, USS Tucson, USS Frank Cable, nuclear-powered aircraft carriers USS John C. Stennis at USS Ronald Reagan, F/A-18 fighter planes, at iba pang mga armas.

“This violates the constitutional ban on nuclear power,” ani Zarate. (Bert de Guzman)