Nagpakamatay ang isang South Korean sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City nitong Huwebes ng gabi, ilang oras matapos siyang harangin ng immigration authorities na makapasok sa bansa.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, si An Sang Kwan, 50, ay natagpuang nakapatiwarik, gamit ang strap ng bag, sa loob ng banyo ng exclusion room ng NAIA 3 terminal.

Batay sa imbestigasyon, nagpatiwakal ang Korean ilang oras matapos siyang pigilan ng immigration at ipinaasikaso sa security personnel na nagdala sa kanya sa exclusion room habang hinihintay ang kanyang flight pabalik sa Korea.

Ayon kay Morante, maaaring hindi natanggap ng Korean ang kanyang sinapit kaya’t pinili nitong tapusin na ang kanyang buhay kaysa harapin ang kahihiyan at ikulong sa krimeng kinasangkutan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, sinabi ng BI chief na sa kabila ng nangyaring insidente, hindi hahayaan ng bureau na maging maluwag sa pagpapasok ng mga banyaga sa bansa at sa halip ay ipagpapatuloy umano ng mga ito ang kanilang trabaho para sa kaligtasan at seguridad.

Ayon sa abogadong si Ma. Antonette Mangrobang, tagapagsalita ng BI, si Kwan ay isang bilanggo at hinatulan ng tatlong taong pagkakakulong ng Chuncheon District Court noong Agosto 28, 2012.

Sinabi ng Mangrobang na isang grupo ng South Korean police ang nakatakdang kumuha sa bangkay ni Kwan pabalik sa Incheon, Korea.

Napag-alaman na kabilang si Kwan sa BI blacklist noong Marso ng nakaraang taon. (Jun Ramirez)