NAKABIBILIB si Lola Titay.

Sa edad na 75, laging excited si Lola Titay sa kanyang pagbibiyahe upang makipagtsikahan sa kanyang mga amiga.

Retirado at biyuda, tanging libangan ni Lola Titay ang makasama ang kanyang natitirang matatalik na kaibigan na hindi pa kinukuha ni Lord.

Inaaliw ang sarili sa paglalaro ng mahjong o kaya’y nakikipagsosyalan.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Laging nakapostura si “Super Lola.” Laging naka-make-up at pambagets ang porma. Laging positibo ang disposisyon. ‘Ika nga, nagdadalaga!

Sa kabila ng kanyang edad, nakabibiyahe si Lola Titay nang mag-isa, walang kasamang anak o yaya. Mula sa kanyang bahay sa Las Piñas, dalawang beses sa isang linggo lumalagare si Lola Titay sa Makati para maka-“eye ball” ang kanyang tropa.

Kumbinyente para kay Lola Titay ang mag-commute patungong Makati dahil isang sakay lang ito mula sa kanyang bahay sa LP. Suki na siya ng UV Express shuttle. Bilang isang senior citizen, may nakareserbang puwesto sa tabi ng driver para sa kanya papunta at pabalik sa kanyang lugar.

Mabait at masayahin, kilala rin siya ng mga driver sa mall terminal bilang regular na pasahero.

“Nakatutuwa dito sa mall terminal. Pumipila ang lahat, umiiral ang disiplina,” ani Lola Titay.

Hindi rin siya kinakabahan na mabiktima ng “laglag barya” o “laslas gang” dahil maraming sekyu ang nakaposte sa loob at labas ng terminal. Mayroon ding mga closed circuit television na nakaposisyon sa iba’t ibang lugar ng pasilidad.

Tulad ng mga pasahero, nakapila rin ang mga shuttle van habang naghihintay ng biyahe. At kapag punuan, first come, first served ang sinusunod na patakaran.

Kanya-kanyang pila sa iba’t ibang destinasyon. Kanya-kanya ring kolektor ng pasahe na nakapuwesto sa isang sulok na may mesa na roon pumipila ang lahat.

Oo nga’t mahaba ang pila tuwing rush hour. Ngunit nakababawas sa init ng ulo ng mga pasahero ang malalaking industrial fan na ikinabit sa mga poste.

Kung nauuhaw o nagugutom, konting lakad lang at mayroon nang mga booth na may masasarap at murang mangunguya bilang pampalipas-gutom.

Dahil regular ang oras ng biyahe, maraming nabubuong pagkakaibigan sa mga mall terminal. Ibang-iba kung ikukumpara sa mga ordinaryong terminal na nagkalat hindi lamang ang barker kundi maging ang mga kawatan.

Pagmasdan n’yo ang mga pasahero sa mga sakayan sa Baclaran, Quiapo, at Divisoria. Kulang ang dalawang kamay upang mabantayan ang bulsa at bag ng mga pasahero laban sa “laslas gang.”

Habang sa mall terminal, relax na relax si Lola Titay, pakindat-kindat na lang sa mga driver. (ARIS R. ILAGAN)