Bing, Ricky, Shaina at Enrique sa 'Dukot' copy

CONSISTENT si Direk Paul Soriano sa paggawa ng mga pelikulang nakaka-impress ang mga anggulo ng kamera at makinis o malinis ang kuwento at maging ang kabuuang pagkakagawa.

Tulad ng Journey Home (2009), Thelma(2011), Transit (2013, siya ang producer), Kid Kulafu (2015), impressive din ang Dukot na kasalukuyang palabas sa mga sinehan.

Malalaman sa establishing shots pa lang ng pelikula kung marunong ang direktor. Sa lahat ng mga nakaraang pelikula ni Direk Paul, napapanganga kami sa establishing shots niya. Dito sa Dukot, winner na naman ang mga kuha niya sa siyudad man o sa nayon.

Human-Interest

Traditional jeepney, mas maayos pa ring sakyan daw kaysa sa modern jeepney

Pero hindi lang sa shots, malalaman din sa tema/istorya ng mga pelikulang ginagawa kung astig ang direktor.  

Astig ba si Direk Paul? Walang duda. Kitang-kita sa portfolio niya. Matagal nang napapansin ang unti-unting pagkabura ng individualism o personal style sa Filipino directors, pero sinasalungat ito ni Paul Soriano. Katunayan, habang nagkakagulo ang lahat sa romantic-comedy, dahil sigurado ang kita, heto naman siya at sa ibang direksiyon nakatingin.

Sa Dukot, deglamorized si Enrique Gil na alam naman ng lahat na isa sa mga pretty boy ng entertainment industry.

Halos wala ring linya ang aktor bilang anak-mayaman na dinukot ng petty criminals.

Statement sa current events ang Dukot, kung paano inaagaw ng mga kriminal ang kaligayahan ng pamilya o ng lipunan sa kabuuan.

Hindi namin ilalahad ang synopsis ng istorya ng bagong pelikulang ito ni Paul Soriano para ma-enjoy din nang husto ng mga manonood ang naranasan naming kaba, pero kung kayo ang tipo ng moviegoer na palaging nagtatanong kung wala na bang ibang maio-offer ang Philippine cinema kundi kilig-kilig, highly recommended namin ang Star Cinema movie na ito.

Bukod sa offbeat role ni Enrique, refined performance nina Ricky Davao, Shaina Magdayao at Bing Pimentel, at kasumpa-sumpang characters nina Bangs Garcia, Alex Pastrano, Alex Vincent Medina,at Ping Medina, humanda rin sa big bonus na characterization ni Christopher de Leon.

May masasamang loob na umaagaw sa kaligayahan ng mga simpleng mamamayan, pero ipagpasalamat natin na mayroon ding mga taong may mabubuting kalooban na nagtataya ng buhay para masaulian ang normalidad na karapatan ng lahat.

Gusto naming mas marami pa ang makapanood ng Dukot dahil paminsan-minsan na lang lumitaw ang ganitong pelikula sa panahon natin. (DINDO M. BALARES)