Pinasok ng dalawang holdaper ang klinika ng isang lalaking dentista at pinagbabaril ang huli matapos magpanggap na mga pasyente sa Makati City kahapon ng tanghali.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center (MMC) si Dr. Antonio Limos, 59, sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi batid na kalibre ng baril.

Sinusuri ng awtoridad ang CCTV sa lugar para tukuyin ang mga suspek na isa rito ay nakasuot ng itim na jacket, habang nakasuot naman ng pulang T-shirt ang kanyang kasama.

Sa inisyal na ulat na natanggap ng Southern Police District (SPD), dakong 12:30 ng tanghali nangyari ang panghoholdap at pamamaril sa loob ng klinika ng biktima sa No. 9689, sa panulukan ng Saint Paul at Kamagong St., Barangay San Antonio Village, Makati City.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Pumasok sa klinika ang dalawang suspek na lulan ng isang motorsiklo na walang plaka at nagpanggap na mga pasyente.

Agad nagdeklara ng holdap ang mga suspek at pinagbabaril si Limos bago tuluyang tangayin ang iPhone 6 at wallet ng isa sa mga pasyente ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. (Bella Gamotea)