Ipinasasampa ng Office of the Ombudsman ang kasong graft laban kay elected Marikina Rep. Bayani Fernando dahil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng Metro Manila Film Fest (MMFF) na aabot sa P24.2 milyon noong chairman pa ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong 2003-2009.

Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, nakitaan ng probable cause ang reklamo laban kay Fernando kung kaya’t pinakakasuhan ito ng 13 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Pinakakasuhan din sina dating MMDA general manager Robert Nacianceno, dating assistant general manager Edenison Fainsan, dating director Leonila Querijero, dating chief revenue officer Cleofe Ablog at dating consultant na si Rolando Josef.

Napatunayan namang nagkasala sina Fainsan at Querijero sa kasong administratibo at pinasisibak na ang mga ito sa kanilang serbisyo.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ayon sa Ombudsman, dahil wala na sa serbisyo sa gobyerno sina Fainsan at Querijero ay pinagmumulta na lamang ang mga ito ng katumbas ng isang taon nilang suweldo.

Bukod dito, pinagbawalan na rin sina Fainsan at Querijero na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan at kanselado na rin ang kanilang retirement benefits. - Rommel Tabbad