APAW ang tao sa Skydome noong Sabado ng gabi dahil sa book launching ni Vice Ganda ng President Vice, Ang Bagong Panggulo ng Pilipinas.
Ayon sa security guard na kinausap namin, alas dos pa lang ng hapon ay mahaba na ang pila at alas singko na sila nagpapasok na kailangang kontrolin dahil hindi na kasya sa loob ng Skydome.
Umabot sa mahigit 2,000 ang naibentang kopya at 700 plus lang ang pumuwede sa meet and greet at napirmahan ni Vice na nangakong iyong mga hindi niya napirmahan ay puwedeng dalhin sa taping niya ng Gandang Gabi Vice o kaya sa It’s Showtime.
Sa backstage ng Skydome namin nakatsikahan si Vice bago siya umakyat ng entablado para magsalita bilang bagong Panggulo ng Pilipinas.
Ayon sa TV host/comedian, hindi niya naisip na magkakaroon siya ng libro dahil biglaan lang, gaya ng lahat na nangyayari sa buhay niya.
“Noon pa nila ako hinihilingan ng libro, ‘yung ABS-CBN Publishing, sabi ko naman, ayoko namang maglabas ng libro na masyadong serious, gusto ko ‘yung nakakatawa.
“’Tapos tinanong nila ako kung anong topic, sabi ko, ‘hindi ko alam, bahala na kung ano na lang pumasok bigla sa isip ko.’
“’Tapos nu’ng panahon na ng mga eleksyon kahit sa’n ka, Facebook, Twitter, Instagram ang daming nag-aaway-away. That time tuwing magpo-post ako sa social media, I’ll make sure na fun lang ‘yung ipo-post ko para hindi na ako makisabay sa mga (isyu). Kaya nga I never endorsed anyone.
“Kasi ayoko nang makidamay sa gulo, kaya tuwing magtu-tweet ako, nagtu-tweet ako ng #Pagbabago ‘tapos kinakagat naman nila, ‘tapos nagti-trending ‘yung mga tweet kong #pagbabago ‘tapos ang daming retweet na umabot ng thousands of retweet.
“Sabi ko, ay ang taray, gawa kaya ako ng mga ganito, ‘tapos nabasa ng publishing, sabi nila, ‘gawin nating libro, i-compile natin. Gawa ka pa ng marami’.
“Sabi ko, paano po, ‘halimbawa, you’ll become the president, ano’ng gagawin mo? Ang mga kabulastugan lang, fun-fun lang, kaya sabi ko, ‘ay sige po, ita-try ko’.
“’Tapos nu’ng magbi-birthday ako, sabi nila, ‘tutal magbabakasyon ka, baka puwedeng ano karerin mo na’. ‘Tapos sabi ko, ‘ay, parang magandang dahilan ito para makapag-extend ako ng bakasyon kasi gagawa ako ng libro. So na-pressure ako gumawa ng libro.
“Kaya nu’ng nasa Boracay ako bago ako umuwi, nasa jacuzzi lang ako, sulat ako nang sulat ‘tapos ipinakita ko sa kanila, hayun, natuwa naman sila ‘tapos kinompayl nila. Wala, laugh trip lang.”
Sana noon pa ginawa ni Vice ang pagsusulat ng libro dahil maraming laman ang utak niya.
“Actually, maraming laman talaga ang mind ko na hindi ko lang masabi kasi hindi naman puwedeng sabihin sa TV, pangalawa, ang arte ng tao ngayon, noong bago lang ako, mas open sila. Ngayon kailangan mas mapili ka sa sinasabi, mas sanitized na, everything na sasabihin mo, bibigyan ng magandang konotasyon o maling konotasyon,” katwiran ng TV host/actor.
Anong aspeto ng buhay ng tao ang puwedeng mabago kapag nabasa ang libro niya?
“Bibigyan lang kita ng paraan para malibang ‘yung sarili mo lalo na kapag nasa kalagitnaan ka ng trapik. Meron kang maliit na libro, kung magbabasa ka, hindi ka mag-iisip na kung ano ang ibig sabihin nito o malalim ba ito. Sabi ko nga, hindi ito malalim, hindi ito educational material, wala kang matutunan dito.
“Ang matutunan mo lang dito ay matuto kang tumawa at gumaan ang buhay mo panahong bagot na bagot ka na, ‘yun lang,” pagtatapat ni Vice.
Samantala, looking forward si Vice sa taping niya ngayong linggo sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil pareho nilang gusto ni Coco Martin ang topic na tatalakayin nila.
“Napapanahon kasi ngayon ‘yung topic na pareho naming gusto ni Coco, relevant ‘yung issue na ita-tackle,” say ni Vice.
Binanggit din ni Vice na kasama sina Onyok at Aura (MacMac) sa pelikula nila ni Coco pero hindi sigurado kung entry sa 2016 Metro Manila Film Festival.
“Hindi pa kasi alam kung aabot kasi nga, di ba, may bago nang mechanics ng bagong organization. Marami silang bagong rekositos, ganyan, hindi namin alam kung mami-meet namin. Sana nga may filmfest kasi nasanay na rin naman akong may pang-film festival,” say ni Vice.
At nasanay na rin ang tao na may Vice Ganda tuwing Metro Manila Film Festival.
Samantala, tinanong din si Vice kung ano ang gusto niya kung bibigyan siya ng chance, maging pangulo o first lady ng bansa?
“First Lady,” mabilis na sagot ng TV host/comedian. At ang gagawin daw niya sa Pilipinas, “Magiging first lady ako, ang una kong project, ‘yung outfit ko, kailangan ako ang pinakaglamorosang first lady sa buong mundo.
“’Tapos wala akong pakialam sa lipunan, gusto ko sarili ko lang, ako ang walang kuwentang first lady,” tumawang sabi ni Vice.
Mabibili na ang Vice Ganda, Ang Bagong Panggulo ng Pilipinas sa halagang P175 sa lahat ng sangay ng National Book Store at ABS-CBN Publishing. (REGGEE BONOAN)