MULING binubuhay sa Kongreso ang “pinatay” na panukalang P2,000 SSS pension increase ni ex-Pres. Noynoy Aquino na sana ay magkakaloob ng biyaya at ginhawa sa mga retirado. Sa Senado, pinangunahan ni Sen. Antonio Trillanes ang paghahain ng panukalang batas para sa pagtataas ng pensiyon ng senior citizens samantalang sa Kamara ay may ilang kongresista ang naghain ding muli ng kanilang mga “naunsiyaming” panukala ni ibineto ng binatang dating Pangulo.

Baka hindi alam ni PNoy na isa sa ikinaayaw ng mga botante sa kanyang “manok” na si ex-DILG Sec. Mar Roxas ay ang pag-veto niya sa SSS pension hike, samantalang inaprubahan niya ang increase sa sahod ng mga opisyal nito. Anong lohika mayroon ang dating Pangulo at kanyang financial advisers kung bakit “kinitil” ang panukalang makatutulong sa milyun-milyong SSS pensioner at mga kaanak?

Ito ba ang ipinagmamalaking “Tuwid na Daan” na inihihiyaw ni Mar Roxas na ipagpapatuloy niya noong panahon ng kampanya, o ito ay isang “Baluktot na Daan” na ang pinapaboran ay ang mga elite class at hindi ang nasa laylayan ng lipunan? Suriin natin: “Papaano makararaan ang mga senior citizen sa ‘Tuwid na Daan’ gayong hinahadlangan ito ng maraming balakid kung kaya sila ay nangabubuwal sa paglandas sa daang ipinagyayabang ng lideratong parang hindi nakauunawa sa kalagayan ng mga ordinaryong tao?”

Sa ilalim ng liderato ng probinsiyanong Presidente (Rodrigo Roa Duterte), malaki ang tsansang ang ipinagkait na biyaya ni PNoy sa matatandang pensioner, ay magkakaroon din ng katuparan. “Change is Coming” para sa kanila. Maaaring hindi lubos na batid o dama ni PNoy ang damdamin at kalagayan ng mga ordinaryong tao, kabilang ang senior citizens, sapagkat siya ay mula sa angkan ng mayayaman at makapangyarihan. Siya ba ay nakaranas na hindi kumain ng tatlong beses sa maghapon? Nakaranas na ba siyang magkasakit pero walang perang pambili ng gamot?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi niya marahil alam ang paghihirap ng SSS pensioners kung saan kukuha ng perang pambili ng gamot (maintenance) para sa sakit sa puso, rayuma, cholesterol, atbp. Bukod dito, ang “pinatay” na 2k SSS pension ay tulong din sa pagbili ng pagkain ng mga pensioner na wala nang trabaho ngayon.

Umaasa ang mga Pinoy na bumoto kay President Rody na itutulak niya ang tunay at lantay na pagbabago sa lipunang Pilipino. Katuwang si Vice President Leni Robredo, sana ay mabiyayaan nila ang mga nasa laylayan ng lipunan, gaya ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, at ordinaryong tao na sa nakaraang administrasyon ay umasa sa ‘Tuwid na Daan,’ subalit ang tinalunton nila ay baku-bakong daan! (Bert de Guzman)