Nagpiyansa na si dating Vice President Jejomar Binay ng P376,000 sa Sandiganbayan para pansamantalang makalaya, kaugnay ng kasong graft, malversation at falsification of public documents na may kinalaman sa umano’y overpriced sa ipinatayong P2.28-billion Makati parking building.
Si Binay ay nagpiyansa kahapon ng hapon sa pamamagitan ng kanyang abogado makaraang magdesisyon ang Sandiganbayan En Banc na ilagak ang kaso sa Third Division na pinamumunuan ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.
Ang piyansa ni Binay ay kinapapalooban ng P120,000 para sa 4 counts ng graft, P216,000 para sa 9 counts ng falsification at P40,000 para sa 1 count ng malversation.
Una dito, ikinasa na sa Sandiganbayan 3rd Division ang kaso ni Binay.
“Binay cases will no longer be raffled off this morning but instead will be assigned for consolidation with the cases before the Third Division,” ayon kay Committee chairman Associate Justice Oscar Herrera Jr.
Hinggil naman sa kasong 2 counts ng graft at 6 counts ng falsification na iniharap ng Ombudsman laban kay dismissed Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. noong nakalipas na Pebrero, nauna nang ini-raffle ang mga kaso laban dito at bumagsak sa 3rd Division.
“All the cases filed emanated from the same resolution of the Ombudsman concerning the Makati Hall Building II, so we decided to assign it to Third Division for more orderly procedure,” ani Herrera.
Samantala hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin nakakapagpiyansa ang kanyang anak.
(Jun Fabon at Rommel Tabbad)