Tiniyak ng Malacañang na tinutugunan na ang matinding problema sa trapiko sa Metro Manila, at makaaasa ang publiko ng malaking kaluwagan sa trapiko sa unang 100 araw ng bagong administrasyon.
Sinabi nitong Martes ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na sa pulong ng Gabinete nitong Lunes ay nagprisinta si Transportation Secretary Arthur Tugade ng listahan ng mga posibleng solusyon na malapit nang maramdaman ng publiko ang epekto.
“I’m sure within the next 100 days, we’re going to see results…so, within the next 100 days, you should be feeling something,” sabi ni Abella.
Kabilang sa mga binanggit na panukala ang mas kumbinyenteng pagbili ng mga ticket sa tren.
“There are certain proposals like being able to purchase tickets, not just from on-site before you go ... (but also) from other sources,” sabi ni Abella, idinagdag na kaakibat din nito ang “nicer and better waiting rooms.”
Gayunman, hindi na siya nagbigay ng detalye kung saan matatagpuan ang mas maayos na “waiting rooms”.
Binanggit din ni Abella ang ginagawang “technical adjustments” upang maitugma ang dami ng pasahero sa dami ng biyahe ng mga pampublikong transportasyon. (Elena L. Aben)