green copy

EAST LANSING, Michigan (AP) — Inaresto ng Michigan police si Golden State Warriors star Draymond Green bunsod umano ng alegasyon ng “misdemeanor assault and battery” nitong Lunes (Martes sa Manila).

Sa ulat ng pulis, naganap ang insidente dakong 2:30 ng umaga ng Linggo, sa labas ng Michigan State University kung saan miyembro si Green ng Spartans sa kolehiyo.

Ayon kay East Lansing Police Lt. Scott Wrigglesworth, ang naturang biktima na isang lalaki ay hindi naman nagtamo ng malaking pinsala at hindi nakipag-usap sa kapulisan matapos ang insidente.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“We typically have numerous cops out when the bars let out,” pahayag ni Wrigglesworth.

Kung mapatutunayan ang kaso, nahaharap si Green sa 93 araw na pagkakakulong o multang $500 at puwede ring parehong ipataw ang naturang kaparusahan.

Wala pang pormal na pahayag hinggil sa insidente si Green, NBA All-Star at miyembro ng Team USA na sasabak sa Rio Olympics sa susunod na buwan.

Sinabi naman ng Warriors management na hindi muna sila magkokomento sa isyu “until we have a better understanding of the situation.”

“We are in contact with the Warriors organization and are in the process of gathering more information,” pahayag ni NBA spokesman Mike Bass.

Sa record ng East Lansing District Court, nagbayad si Green ng $200 cash bond at itinakda ang arraignment sa Hulyo 20. Itatakda ang pre-trial hearing upang makuha ang resolution sa kaso, ayon kay East Lansing City Attorney Thomas Yeadon.

Bahagi si Green sa matagumpay na NBA record 73 win ng Warriors sa nakalipas na season, ngunit nabigo ang Golden State na maidepensa ang korona nang matalo sa Cleveland Cavaliers sa Game 7 ng finals.

Ang 6-foot-7, 230 pound forward ay napabilang sa NBA All-Star sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na season at ikalawa sa triple-double sa nagawang 13.