BAGHDAD (AFP) – Inatake ng mga mandirigma ng grupong Islamic State ang isang Shiite shrine sa hilaga ng Baghdad, na ikinamatay ng 30 katao, ilang araw matapos ang isa sa pinakamadugong pambobomba sa bansa, sinabi ng security spokesman nitong Biyernes.
Ang overnight attack sa Sayyid Mohammed shrine sa Balad, na isinagawa ng mga suicide bomber armado ng mga baril at mortar, ay ikinasugat din ng 50 katao, ayon sa pahayag ng Joint Operations Command.
Ang Sayyid Mohammed shrine, sa Balad area, may 70 kilometro ang layo mula sa hilaga ng Baghdad, ang unang tinarget ng mortar rounds, pahayag ng IS jihadist group na umako sa pag-atake.
Dumating ang mga suicide bomber sa shrine at nagpaulan ng baril, ayon dito. Pinasabog ng dalawang bomber ang kanilang mga sarili sa isang pamilihan malapit sa shrine, habang ang ikatlong bomber ay napatay at na-defuse ang explosive belt nito. Hindi binanggit kung aling puwersa ang pumatay sa bomber.
Nangyari ang pag-atake ilang oras matapos ihayag ni Iraqi Health Minister Adila Hamoud na umakyat na sa 292 ang namatay sa pambobomba sa isang mataong pamilihan sa Karrada district noong Hulyo 3.
Nasakop ng IS ang malalaking lugar sa hilaga at kanluran ng Baghdad noong 2014, ngunit nabawi ng Iraqi forces ang mahahalagang teritoryo mula sa mga jihadist.
Bilang tugon sa pagkatalo sa digmaan, gumanti ang Sunni extremist group laban sa mga sibilyan, at nagbabala ang mga eksperto ng mas marami pang pambobomba habang patuloy na natatalo ang mga mandirigma ng IS.