Magkasunod na kabiguan ang nalasap ng Philippine Blu Girls sa kamay ng Puerto Rico, 5-7, at nagtatanggol na kampeong Japan, 0-11, nitong Huwebes sa 16th World Cup of Softball XI at Border Battle VIII 2016 sa OGE Energy Field ng ASA Hall of Fame Complex, sa Oklahoma City.

Pinilit ng Pilipinas na masungkit ang una nitong panalo sa torneo kontra Puerto Rico subalit hindi nito nakayanan ang tibay ng karibal para makamit ang ikaapat na sunod na kabiguan.

Agad umiskor ng dalawang run ang Puerto Ricans sa unang inning at lima sa ikalawa upang hawakan ang anim na run na abante matapos magtala ng isa sa bottom of the first at dalawa sa second inning ang Pilipinas.

Itinala ni Angelie Ursabia ang two-run home run sa second inning at may two-run single si Dione Macasu sa fifth inning subalit hindi nagawa ng Blu Girls na agawin ang inaasam na panalo.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Nag-ambag si Chelsea Suitos ng isang run, gayundin sina Dani Gilmore, Francesca Altomonte at Gabrielle Maurice na tanging nagpakita ng mainit na laro para sa Pilipinas. Pumalo si Maurice ng 2-4, isa ang hit at isang run. Nagawa nito ang solo homerun sa first inning at may single sa seventh inning.

Pumukol si Rizza Bernardino para sa Pilipinas sa kabuuang 1 2/3 innings bago pinalitan matapos magbigay ng six hit at limang run.

Nagtala naman si Karla Claudio ng Puerto Rico ng tatlong RBIs sa dalawa nitong hit upang itulak ang koponan sa 3-1 marka.