gilas copy

Pinoy, muling pinaluha ng Gilas; #Puso, ‘di na umabot sa Rio.

Sinaktan mo ang puso ko. Binuhusan ng asido, pinukpok ng martilyo.

Ramdam ng sambayanan ang kirot ng mensahe sa bawat titik ng awitin ng pamosong si Michael B matapos pormal na isuko ng Gilas Pilipinas ang laban para sa minimithing slot sa Rio Olympics.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa larong ipinapalagay na ‘winnable’ para sa Pinoy cagers, naghabol sa kabuuan ng duwelo ang Gilas at hinayaang humulagpos ang pagkakataon na maagaw ang momentum para maisuko ang 80-89 kabiguan sa New Zealand sa Group stage ng FIBA Manila Olympic Qualifying Tournament nitong Miyerkules ng gabi sa MOA Arena.

Dumagundong ang arena sa lakas ng hiyawan ng “Gilas!....Gilas…Gilas!..” nang maisalpak ni naturalized Andray Blatche ang three-pointer para maidikit ang iskor sa 60-62, may pitong minuto ang nalalabi sa laro.

Mas tumaas ang enerhiya ng crowd na tinatayang umabot sa 20,000 nang sumablay ang Tall Blacks para sa pagkakataon ng Gilas na maitabla ang iskor o makamit ang bentahe sa unang pagkakataon nang mabaon sa mahigit 13 puntos sa third period.

Ngunit, imbes na pumasok sa loob, minabuti ng 6-foot-11 na si Blatche na muling bumitaw sa three-point area na hindi naman kinasiyahan ng suwerte. Sa naturang pagkakataon, muling bumirit ang opensa ng Tall Blacks para tuluyang dominahin ang Gilas para sa kanilang unang panalo sa torneo.

Anuman ang kahinatnan ng laro laban sa France, nagwagi sa Gilas sa opening day, pasok na ang New Zealand sa cross-over semifinals kung saan, posibleng makakaharap nila ang Canada na nanguna sa Group A tangan ang 2-0 karta.

Muli namang nalusaw ang pag-asa ng sambayanan na muling makita ang Pinoy cagers sa Olympics na huling nakapaglaro sa quadrennial Games noong 1972, sa Munich, Germany.

“We didn’t play our best basketball. This is on us (coaching staff),” pag-amin ni Gilas coach Tab Baldwin.

Sa huli, iginiit ni Baldwin na ang kakulangan sa preparasyon bilang isang koponan ng Gilas ang tunay na kahinaan ng National Team.

“It’s very difficult for these guys to play at this level when you only do it in so few games a year,” pahayag ni Baldwin.

Sa kabila ng ibinidang #PUSO ng Gilas, lutang ang malaking kakulangan ng Pinoy sa aspeto ng isang palabang grupo sa team sports.

“We know how good New Zealand is, we played against a tough unit,” sambit ni Baldwin. “We didn’t play well and that’s us understanding this program.”

Sa kabiguan, balik sa zero ang Gilas. (Marivic Awitan)