Hindi itinuturing na kaaway si Vice President Leni Robredo, ngunit malinaw na desidido na si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag bigyan ng posisyon sa kanyang Gabinete ang pangalawang pangulo.

Ito ang ipinaliwanag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, sinabing maayos ang relasyon ni Duterte sa Bise Presidente pero tanging ang Punong Ehekutibo lamang ang makapagpapasya sa pagtatalaga ng mga opisyal ng gobyerno.

Una nang sinabi ni Duterte na wala siyang planong bigyan ng posisyon sa Gabinete si Robredo upang hindi masaktan ang damdamin ng kanyang kaibigang si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na tinalo ni Robredo sa katatapos na halalan.

“Ito po ay prerogative ng Presidente po kung bibigyan po ang isang Bise Presidente ng Cabinet post,” sinabi ni Andanar nang kapanayamin sa radyo at tanungin kung pinal na ba ang desisyon ng Presidente na huwag bigyan ng posisyon sa Gabinete si Robredo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kabila nito, binigyang-diin ni Andanar na maayos ang naging paghaharap ng dalawang pinakamatataas na opisyal ng bansa sa isang seremonya sa Camp Aguinaldo nitong Biyernes.

“Siguro po naman ay nakita natin 'yung unang pagtatagpo nina Vice President Leni Robredo at Presidente Rody Duterte at nakita natin sa telebisyon at nasaksihan ko rin na it was very warm,” sinabi ni Andanar. (Genalyn D. Kabiling)