LONDON (AP) — Nakaiwas si Serena Williams sa bantang pagkasibak, ngunit hindi ang kanyang raketa na nadurog sa ngitngit ng world No.1.
Ilang ulit na inihampas ni Williams ang raketa sa grass court bunsod nang pagkadismaya sa nabitiwang bentahe sa first set bago naibalik ang wisyo para maisalba ang pahirapang 6-7 (7), 6-2, 6-4 panalo kontra 65th-ranked American Christina McHale.
“Mentally, no one can break me,” pahayag ng six-time champion na nakaiwas sa maagang pagkasibak sa kanyang ika-17 sabak sa Wimbledon.
Tulad niya, dumaan sa butas ng karayom ang nakatatandang kapatid na si Venus bago naipuwersa ang 7-5, 4-6, 10-8 panalo laban sa 29th-seeded na si Daria Kasatkina.
“You see a winner go by you, and a lob go in, and you’re like, ‘My god, what’s next?” pahayag ni Venus, sa edad na 36 ang pinakamatandang player sa women’s event.
Ngunit, kung nakalusot ang Williams sister, nababalot ng kaba ang mga tagahanga ni top seed Novak Djokovic, naghahabol kontra sa 28th-seeded Sam Querrey ng US sa kanilang third round duel na itinigil dahil sa pagbuhos ng ulan.
Naghahabol si Djokovic, tangan ang 30-match Grand Slam winning streak, sa 7-6 (6), 6-1, bago itinigil ang laro.
Umaasa ang kampo ng Serbian star na makakabawi ito matapos ang mahaba-habang pahinga.
Umusad sa fourth round si No.4 seed Roger Federer nang gapiin si Daniel Evans, 6-4, 6-2, 6-2.
Bukod kay Djokovic, apat na laro pa sa men’s single third-round ang nasuspinde dulot ng pag-ulan.
Naitala naman ni 2009 U.S. Open champion Juan Martin del Potro, sumailalim sa tatlong operasyon sa kaliwang pulso noong 2013, ang pinakamalaking panalo sa kasalukuyan nang sibakin ang No.4 seed at two-time major champion Stan Wawrinka, 3-6, 6-3, 7-6 (2), 6-3, para makausad sa fourth round.