Matapos aminin ang pagkakamali sa quick count nito, nahaharap ngayon ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga panawagan na pagbawalan na itong makibahagi sa mga susunod na halalan sa bansa.

Sa isang pahayag, hinimok ng Confederation of Non-Stocks Savings and Loan Associations (CONSLA), Inc. Party-list ang Commission on Elections (Comelec) na huwag nang bigyan ng akreditasyon ang PPCRV bilang citizens’ arm nito.

“The PPCRV should be banned from participating in future election quick count operations. Its admissions show how poor its internal controls are; and that its actions only further muddled and heightened voters' skepticism whether the nation really had clean, credible and honest elections,” anang CONSLA.

Matatandaang inamin kamakailan ni PPCRV Communications and Media Director Ana de Villa Singson na nagkaroon sila ng pagkakamali sa paglalabas ng resulta ng quick count sa mga botong nakuha ng CONSLA sa katatapos na eleksiyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Una nang naghain ng reklamo ang CONSLA sa Comelec upang kuwestiyunin ang resulta ng quick count ng PPCRV na lumabas na nakakuha ito ng 555,896 na boto noong Mayo 10, bagamat sa pinal na bilang ng Comelec ay nasa 213,814 lang ang bumoto sa grupo.

Hiningan na ng Comelec ng paliwanag ang PPCRV sa insidente, at inihayag ng huli na ilalabas na ng technical staff nito ang mga kinakailangang impormasyon tungkol sa usapin. (Samuel P. Medenilla)