Magpapatupad ng oil price rollback ang mga kumpanya ng langis sa bansa ngayong Martes ng madaling araw.
Sa pahayag ng Flying V, Petron at Seaoil, epektibo dakong 12:01 ng umaga ngayong Martes, Hunyo 21, ay magtatapyas ang mga ito ng 65 sentimos sa kada litro ng gasolina at diesel, habang 45 sentimos naman sa kerosene.
Hindi naman nagpahuli ang Eastern Petroleum, na nag-rollback din ng 65 sentimos sa kada litro ng gasolina at diesel nito, habang walang paggalaw sa presyo ng kerosene.
Dakong 6:00 ng umaga naman magpapatupad ng kaparehong bawas-presyo sa petrolyo ang Pilipinas Shell.
Ang bagong price rollback ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Hunyo 14 nang nagdagdag ang mga kumpanya ng langis ng 35 sentimos sa diesel at 20 sentimos sa kerosene, kasabay ng 10 sentimos na bawas sa gasolina.
Sa datos ng Department of Energy (DoE), ang diesel ay maipakakarga sa P25.70 hanggang 28.95 kada litro, habang P36.30-P43.45 naman ang gasolina sa Metro Manila. (Bella Gamotea)