Inaanyayahan ang publiko na makiisa sa naiibang patakbo na ikinasa ng pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) sa kanilang pagdiriwang ng ika-69 taong anibersaryo sa darating na Hunyo 19.

Sa pakikipagtulungan ng co-organizer Streetwise Events Management and Public Relations (Streetwise), aarangkada ang “Takbo ng Hukbong Himpapawid para sa Kalusugan at Kapakanan ng mga Lingkod Bayan” sa Linggo sa ganap na 4:00 ng umaga sa Liwasang Ulalim, CCP Complex, Pasay City.

Ipinahayag ni Streetwise managing director Kenneth John Montegrande na ang pakarera ay isa sa mga tampok na aktibidad sa pre-anniversary celebration ng ahensiya kung saan layunin nitong bigyang-pugay at parangalan ang mga magigiting na miyembro ng PAF.

Masusubok ang liksi at lakas ng runners sa mga race categories na maaaring salihan na 3K na may entry fee na P350; 5K na may butaw na P550; 10K-P 650; at 21K o half-marathon na P850 ang pagpaparehistro.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kasama na sa race kits ang Limited Edition singlets/sando; race bibs, timing chip, at iba pang mga freebies.

Inaasahang aabot sa 4,000 katao ang tatakbo na kinabibilangan ng mga opisyal at miyembro ng PAF, ibat ibang running club, at running enthusiasts.

Tumataginting na P50,000 ang kabuuang halaga ng mga premyo.

Ipagkakaloob ng pamunuan ng PAF sa mga magwawaging runners mula sa iba’t ibang race categories maliban pa sa trophies, finisher medals, freebies, loot bags mula sa mga sponsors, at iba pang mga sorpresa.

Tiwala si Montegrande na sa pamamagitan ng ganitong gawain ay mas mabibigyang pansin ng publiko ang kabayanihan at tungkulin ng kanilang mga kawal upang mapanatili ang kapayapaan sa bansa.

Maaaring magpatala sa mga designated registration areas na mga sangay ng Toby’s sa Trinoma, Quezon City; SM Aura Taguig City; Glorietta 2 Makati City; at sa RUNNER sa Alabang Town Center Muntinlupa City.

Kabilang sa mga sumuporta ang Anta Philippines, Pocari Sweat, Toby’s Sports, RUNNER, TimesStudio, at Pure Blue Purified Drinking Water. (Angie Oredo)