Limang driver ang nasugatan makaraang magkarambola ang kanilang mga sasakyan sa E. Rodriguez Avenue sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Supt. Ritchie Claravall, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), ang mga nasugatan na sina Lorenzo Caranguian, driver ng pampasaherong jeepney; Rolly Ancheta, tsuper ng Isuzu jeep; Lito Garcia, taxi driver; Mark Julio, driver ng Ford Ranger pick-up; at Ramon Medina, tsuper ng pampasaherong jeep.
Agad na isinugod ng rescue team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nasugatan sa East Avenue Medical Center (EAMC).
Base sa report ni Virginia Balmaceda, police aide sa Traffic Sector 4, dakong 2:00 ng umaga nang magkarambola ang limang sasakyan sa E. Rodriguez Avenue.
Mabilis umanong binabaybay ng Ford Ranger ni Julio ang E. Rodriguez patungong Cubao, ngunit pagsapit sa Aurora Boulevard ay bigla itong sinalpok ng kasunod na jeep, na minamaneho ni Garcia, dahilan upang bumangga sa jeep ang tatlong sasakyang kasunod nito.
Sa lakas ng impact ng karambola ay nagtamo ng mga galos, bugbog, at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang limang driver.
Makaraang magsisuko kay Claraval, pinapirma na lamang sa police report ang lima at inareglo na lang ang kaso.
(Jun Fabon)