Sinuportahan ni dating New Bilibid Prison (NBP) Superintendent Venancio Tesoro ang plano ni incoming President Rodrigo Duterte na ipatupad ang parusang bitay sa mga kriminal.
Dating nanguna sa pagsasalang sa child rapist na si Leo Echagaray sa lethal injection noong 1999, sinabi ni Tesoro na matindi ang takot na maidudulot ng parusang bitay kumpara sa lethal injection, lalo na sa mga pusakal na kriminal.
Aniya, ito rin ang magpapatunay sa buong mundo na seryoso ang gobyerno na sugpuin ang krimen sa bansa, tulad ng drug trafficking, pagpatay at panghahalay.
Dati ring nagsilbi si Tesoro bilang execution supervisor ng BuCor.
Matapos itigil ang death penalty sa 1987 Constitution, nilagdaan ni noo’y Pangulong Fidel V. Ramos ang Republic Act 7659 na nagbabalik sa parusang kamatayan noong 1993 para sa 13 uri ng krimen.
Noong 1996, naisabatas din ang RA 8177 na nagtatalaga sa lethal injection bilang parusa sa mga death convict.
Si Echegaray ang unang isinalang sa lethal injection noong Pebrero 5, 1999 sa termino ni Pangulong Joseph “Erap” Estrada, at nasundan siya ng anim pang death convict na sina Eduardo Agbayani, Dante Pianong, Jesus Morallos, Archie Bulan, Pablito Andan, at Alex Bartolome.
Subalit noong Hunyo 2006, nilagdaan ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang RA 9346 nanagpatigil sa pagpapatupad sa parusang kamatayan. (Jonathan Hicap)