Hiniling ni Senator Aquilino Pimentel III sa publiko na huwag sanang ma-misinterpret ang mga naging pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte kaugnay ng media killings.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng kasalukuyang pangulo ng PDP-Laban na kinaaaniban ni Duterte, na ang ibig sabihin ng incoming president ay hindi mapoprotektahan ng Konstitusyon ang mga nagkasala sa iba, kahit na sila ay mga kasapi ng media o nasa business circle.
“Do not mistake or misinterpret the statement of the president. Ang sinabi lang naman ng president (is) we have freedom of the press, but we also have to be responsible in exercising it,” paliwanag ni Pimentel.
Magkahalo ang naging reaksiyon ng publiko sa pahayag ni Duterte sa isang news conference nitong Martes, na ang mga mamamahayag ay hindi exempted sa pagpatay kung sila ay “corrupt.” (Armin A. Amio)