ZAMBOANGA CITY – Isang babaeng kostumer sa isang department store sa siyudad na ito ang kinagat ng tuko habang namimili ng kutson sa kama sa furniture section ng establisimyento.

Nagtungo sa himpilan ng pulisya si Suzette Bakkour y Faustino, 33, ng Guiwan, upang magsampa ng reklamo laban sa pamunuan ng Makers Department Store na nasa Gov. Camins Road sa lungsod na ito, matapos siyang makagat ng tuko.

Sinabi ni Bakkour sa pulisya na nasa furniture showroom section siya ng Makers Department Store at naghahanap ng mabibiling kutson nang bigla siyang kagatin ng isang tuko. Aniya, ang isang paa ng tuko ay nakatali sa paanan ng isa sa mga kama.

Ayon kay Bakkour, bigla na lang lumitaw ang tuko sa paanan ng kama at kinagat ang kanan niyang paa.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Aniya, ini-report niya ang insidente sa ilang empleyado ng establisimyento at hiniling na makausap niya ang manager, ngunit sinabi ng mga empleyado na wala roon ang manager.

Dumiretso si Bakkour sa himpilan ng pulisya at naghain ng reklamo.

Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, wala pa ring kumpirmasyon kung ano ang nangyari sa reklamo ni Bakkour laban sa pamunuan ng nabanggit na department store. (Nonoy E. Lacson)