Dose-dosenang botelya ng alak, canister ng Vicks inhaler, at pakete ng tableta ang bumulaga sa mga tauhan ng Pasay City Police at National Bureau of Investigation (NBI) sa open ground ng Mall of Asia sa Pasay City, na limang dumalo sa Close Up Forever Summer 2016 concert ang namatay nitong Sabado.
Sinabi ni Robert Joey Ajero, ng NBI Special Investigation Unit, na kabilang sa kanilang mga natagpuan sa concert venue ang mga bote ng Smirnoff Vodka at Black Label, isang plastic container na naglalaman ng mga Vicks inhaler; at isang pakete ng mefenamic acid.
Sinegundahan ni Efay Milan, supplier ng perimeter fence na ginamit sa concert, ang idineklara ng awtoridad at sinabing may nakita rin siyang mga basyo ng Vicks inhaler nang magsagawa ng clearing operation sa lugar ang kanyang mga tauhan.
"Some of them were inhaling something, 'yung sa Vicks inhaler, 'yung white na ipinapasok sa nostrils. I don't know kung anong [content] but marami kang makikita rito," ayon kay Milan.
"Actually, bawal itong inhalers. But we assured na mahigpit ang security. In the same event of [Close Up concert] last time, none of these were found," dagdag ni Milan. - Martin A. Sadongdong