ANGELICA AT JOHN LLOYD

Ni REGGEE BONOAN

TIYAK na marami ang tumutok sa Gandang Gabi Vice noong Linggo dahil relatable at aliw ang hugot lines ni Angelica Panganiban na nag-iisang guest ni Vice Ganda.

Marami ang hindi nakakaalam sa pinagdaanan ni Angelica nang maghiwalay sila ni John Lloyd Cruz, na dumating pala sa punto na gusto na niyang lumipat ng TV network para lang maiwasan ang aktor.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Kumpara kay Derek Ramsay na anim na taon niyang karelasyon ay hindi niya naisip na umalis ng ABS-CBN dahil nasa TV5 na ang aktor nang magkahiwalay sila.

Bukod sa paglipat ng network, naisip din ni Angelica na magretiro na lang sa showbiz para hindi makita si Lloydie. Ganoon kasakit ang naramdaman ng aktres nang maghiwalay sila ng aktor na nakarelasyon niya ng apat na taon.

“Muntik na akong lumipat ng network, pero sabi ko nga dahil may respect ako sa ABS-CBN, hindi na lang ako lilipat magre-retire na lang ako,” pagtatapat ng dalaga. 

Bagamat pabiro nang sabihin ng aktres, ramdam ni Vice at maging ng viewers na totoo ang mga sinabi niya.

Pero mukhang nakaka-move-on na si Angelica dahil ikinuwento na niya nang di-sadyang magkita sila ni John Lloyd sa Hong Kong na ikinaloka raw niya.

“Nagpunta ako ng Hong Kong, sabi kasi ng mga kaibigan ko halika na mag-Hong Kong na tayo, ganyan, nu’ng Holy Week. Sabi ko, sige na nga, ‘tapos pagpunta ko ng Hong Kong, nandu’n sila.

“Oo nagkita naman kami, kasi nga tina-try naman namin ‘yung best namin na maging magkaibigan naman kami. Ang sakit nga ng panga ko, parang buong gabi masakit ‘yung panga mo, pinipigilan mong maiyak ‘tapos tatawa ka,” natatawang kuwento ng aktres.

Si John Lloyd daw ang unang lumapit sa kanya sa Hongkong at naghahanap ng charger kasi ayaw nitong mag-low bat dahil baka raw may mag-text.

Nagkakapalitan pa rin sila ng text messages para magkumustahan, at wala nang iba pa.

Ang natutuhan ni Angelica sa pakikipagrelasyon sa taga-showbiz:

“’Wag sikat, sa laos na lang,” tumawang sabi ng aktres, na ang punto ay huwag sa makipag-boyfriend sa sikat dahil walang oras at laging busy kumpara sa laos na walang ginagawa kaya maraming oras para sa relasyon.

May magaganda ring natutuhan si Angelica sa relasyon nila ni Lloydie, “Pinakamagandang natutunan ko dito ay maging positive ka lang lagi. Siguro wala akong bitterness, wala akong ill feelings sa kahit na sino.

“Hindi talaga. Kasi, di ba, hindi n’yo na na-save ang relationship n’yo as a couple, why not i-save ang relationship n’yo bilang magkaibigan?”

Pero sa kaso nina Derek at Angelica, tila hindi pa rin sila in good terms hanggang ngayon dahil hindi pa sila nagkikita o nagkakausap man lang.