Pinabulaanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kuwento ng “multo” na umano’y sanhi ng aksidente kamakailan sa Roxas Boulevard flyover, na ikinasugat ng ilang tao.
Sangkot sa aksidente ang isang ipinapasadang Asian UtilityVehicle (AUV) na sumalpok sa center island at ikinapinsala ng hilera ng mga plant box sa flyover nitong Mayo 20. Napaulat na isang lalaki ang biglang tumawid sa flyover at sa labis na pagkabigla ng driver ng AUV ay napilitan itong biglang kabigin ang manibela upang maiwasang mabangga ang tumawid.
Ngunit iginiit ni Emil Llavor, ng MMDA Road Safety Unit, na ang mga alegasyon ng biglaang pagsulpot ng umano’y multo sa flyover ay “mahirap paniwalaan.”
“Masyado sigurong maraming iniisip ang driver, o kaya naman ay pagod nang mga oras na ‘yun. Imposibleng bigla na lang may taong sumulpot sa flyover,” sinabi ni Llavor nang kapanayamin sa radyo.
Gayunman, aminado si Llavor na hindi ito ang unang pagkakataon na narinig niya ang kuwento tungkol sa umano’y multo na bigla na lang sumusulpot sa nabanggit na flyover. Pero, aniya, ikinokonsidera nila itong sabi-sabi lamang dahil mahirap itong mapatunayan.
Kasabay nito, tatalakayin ng MMDA ang mga usapin tungkol sa kaligtasan sa lansangan sa harap ng dumadaming pagkasawi sa mga aksidente sa kalsada sa bansa.
Ang forum ay idaraos ngayong Lunes, sa ganap na 8:30 ng umaga sa MMDA Auditorium, bukod pa sa exhibit, road safety product display, at film showing sa MMDA compound sa Makati City. - Anna Liza Villas-Alavaren