RIO DE JANEIRO (AP) — Ipinahayag ng International Olympic Committee (IOC) na may kabuuang 450,000 condom ang ipamamahagi sa mga kalahok sa gaganaping Rio de Janeiro Olympics sa Agosto.
Ayon sa IOC, ang pamamahagi ng condoms ay bahagi ng kanilang kampanya para maisulong ang programa para sa ligtas na pakikipagtalik, ngunit hindi malinaw kung bahagi ito para makaiwas ang may 10,500 atleta sa mapanganib na Zika virus na laganap ngayon sa Brazil at karatig na mga bansa sa Central America.
Batay sa pananaliksik ng World Health Organization (WHO), ang Zika virus ay nagmumula sa lamok, ngunit malaki ang tsansang mailipat ito sa pamamagitan ng pagtatalik. Ang naturang virus ay may malaking kaugnayan sa ‘microcephaly’, isang kondisyon ng sanggol kung saan nagkakaroon ito ng abnormalidad sa paglaki ng utak at ulo.
Makukuha ang condom sa klinika ng Athletes' Village, gayundin sa lahat ng vending machines sa mga venue. Bubuksan ang village sa Hulyo 24, habang ang opening ceremony ay nakatakda sa Agosto 5.
Tumaas ang bilang ng condom dahil kabilang dito ang 100,000 para sa kababaihan. Bukod dito, may nakahanda rin umanong 175,000 pakete ng lubricant.