ISA sa mga binanggit ni President-elect Rodrigo Duterte sa kanyang press conference, matapos ang halalan, ang planong hindi na pagsusuotin ng uniporme ang mga estudyante. Malaya na aniya ang mga estudyante, sa ilalim ng kanyang administrasyon, na magsuot ng anumang damit sa pagpasok nila sa paaralan. Sa higit na mahalagang isyu kung aalisin niya ang kasalukuyang Kto12 education program, kanya na raw ipauubaya ito sa hinirang niyang kalihim ng edukasyon. Kamakailan, ang hinirang niyang si Peter Lauret ay nagsabing kinakatigan niya ang programa.

Kahirapan ang isinisigaw ng mga magulang at mag-aaral na dahilan kung bakit mariin nilang tinututulan ang Kto12. Sa pagdagdag ng baitang sa pagaaral bago makapag-kolehiyo ang estudyante, karagdagang gastusin ang papasanin ng bawat magulang. Eh, wala ring tigil ang pagtaas ng tuition fee at iba pang pangangailangan sa pag-aaral. Dahil sa programa, dadagsa ang hindi makapag-aaral. Para kay Senator-elect Sherwin Gatchalian, ang edukasyon ay instrumentong magagamit ng mga dukha para sila mahango sa kahirapan. Kaya, kung masusunod ang bagong halal na Senador, ang edukasyon ay dapat bukas sa lahat na kanya nang ginawa noong siya pa ang alkalde ng Valenzuela. Pero, paano mo bubuksan ang edukasyon sa lahat, eh, binabarahan na ito ng Kto12 program. Sinasala ang makapapasok at ang maiiwan ay ang mga maralita na sila ang pinakamarami sa ating lipunan dahil hindi nila kaya ang mga gastusin.

Sa ganito ding sitwasyon nalalagay ang gagawin ni Pangulong Digong na pag-aalis ng uniporme. Sa uniporme, naitatago ng estudyanteng nagsusumigasig na makapag-aral ang kanyang karukhaan. Sa panlabas na kaanyuan, sa pamamagitan ng uniporme, siya pumaparehas sa mga kapwa niyang estudyanteng nakaririwasa. Ang uniporme kasi ay puwedeng magamit kahit ilang araw. Kaya, ang mahirap na mag-aaral ay puwedeng may isa o dalawang uniporme na kanyang pinagpapalit-palit sa kanyang pagpasok. Kapag ang lahat ng estudyante ay malaya nang pumasok sa iba’t ibang kasuotan, mapipilitan silang laging iba ang susuotin. Hindi makasusunod dito ang mahihirap. Panibagong pasanin na naman ito para sa kanila. Baka magkaroon pa sila ng inferiority complex sa harap ng iba’t iba at magagarang kasuotan ng kanilang nakakariwasang kaklase. Hindi na sila tuloy papasok. (Ric Valmonte)
Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika