Itinigil na ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang partial at unofficial tally ng May 9 national and local elections kagabi.

Ayon kay PPCRV National Chairperson Ambassador Henrietta de Villa, bago mag-10:00 ng gabi, kagabi, ay tuluyan na nilang itinigil ang isinasagawang quick count upang hindi ito magdulot ng kalituhan sa publiko.

Gayunman, bago tuluyang itinigil ay hinintay muna aniya nilang mai-transmit ng Commission on Elections (Comelec) sa kanila ang boto mula sa isang presinto sa Masiu, Lanao del Sur, na habang isinusulat ang balitang ito ay nagdaraos pa ng special elections.

Ayon kay Ana de Villa-Singson, media and communications director ng PPCRV, matanggap man nila o hindi ang boto sa Masiu ay tuloy ang pagtitigil ng quick count.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Masaya namang ibinalita ni De Villa na nakapagtala sila ngayong taong ito ng pinakamataas na encoding ng election returns (ER), matapos ma-canvass ang mga boto mula sa mahigit 96 na porsiyento ng mga clustered precinct sa bansa.

Noong taong 2010, tumigil aniya ang PPCRV ng quick count nang makaabot ng 91 porsiyento ang ER na kanilang na-canvass, habang 75 porsiyento naman ng mga ER ang kanilang na-canvass noong 2013 polls.

Ayon kay De Villa, nagpasya silang itigil na ang quick count dahil ipoproklama na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nanalong senatoriables at party-lists ngayong araw, habang nakatakda na rin namang mag-convene ang joint congress bilang National Board of Canvassers (NBOC) sa Mayo 25 para sa canvassing ng mga boto sa presidential at vice presidential race. (Mary Ann Santiago)