ALINSUNOD sa Presidential Proclamation No. 115-A, s. 1966, ginugunita ang Mayo bilang National Road Safety Month (NRSM) sa buong bansa. Ang taunang selebrasyon ay pangungunahan ng Safety Organization of the Philippines (SOPI), isang propesyunal, sibiko, non-profit, non-political, at non-sectarian na pambansang organisasyon ng kaligtasan na determinadong protektahan ang buhay at isulong ang kalusugan.
Para sa selebrasyon ng 2016 NRSM, titipunin ng SOPI at ng mga katuwan nito sa pampubliko at pribadong sektor ang mga eskperto sa kaligtasan sa lansangan at pangangasiwa sa trapiko para sa 46th National Road Safety Forum and General Assembly na gaganapin sa Mayo 20, 2016, sa St. Giles Hotel sa Makati City. May temang “Obedience to Traffic Law, Rules, and Regulations: A Challenge”, tatalakayin sa pulong ang mga inisyatibo sa pagpapatupad ng batas, mga patakaran sa kaligtasan ng sasakyan, mga proseso at panuntunan sa operasyon ng mga pampublikong sasakyan, mga bagong ikokonsidera sa Road Safety Action Plan 2016-2022, pagpapatupad ng batas at mga panuntunan sa overloading, at mga rekomendasyon sa kaligtasan sa kalsada. Maghahalal din ang mga miyembro ng SOPI ng bagong grupo ng mga opisyal para sa dalawang termino, 2016-2018, sa General Assembly.
Batay sa 2015 World Health Organization (WHO) report tungkol sa kaligtasan sa kalsada, 53 porsiyento ng mga naiulat na pagkamatay ng mga motorista sa Pilipinas ay kinasasangkutan ng mga motorsiklo o tricycle; 19 na porsiyento ay mga pedestrian; 14 na porsiyento ay nagmamaneho ng sasakyang may apat na gulong; at 11 porsiyento ang mga pasahero ng mga sasakyang may apat na gulong. Ang mataas na insidente ng pagkamatay ng motorista sa motorsiklo ay dahil sa labis na popularidad at pagiging abot-kaya ng mga sasakyang gaya nito. Ang napakaraming motorsiklo na bumibiyahe papasok sa trabaho sa umaga at pauwi sa hapon o gabi ay isa nang pangkaraniwang tanawin sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Maraming batas sa bansa ang nagtatakda ng limitasyon sa bilis ng sasakyan at nagkakaloob ng mga batas na pangkaligtasan gaya ng paggamit ng mga motorcycle helmet at seatbelt sa loob ng sasakyan, pagbabawal sa paggamit ng mobile phone habang nagmamaneho, at pagmamaneho nang lasing o nasa impluwensiya ng bawal na gamot, at bawal din ang pag-aangkas ng mga bata sa motorsiklo maliban na lang kung nakaaabot na ang mga paa nito sa foot peg, kayang iyapos ang mga braso sa driver, at nakasuot ng protective helmet. Gayunman, sinabi ng WHO na hindi maayos na naipatutupad ang mga batas na ito. Ang taunang selebrasyon ng National Road Safety Month ay isang paalala sa ating lahat na gumagamit ng lansangan bilang mga pasahero, pedestrian, tsuper ng mga pampubliko at pribadong sasakyan, siklista, at nagmamaneho ng motorsiklo na maging responsable sa paggamit sa lansangan.
Sumunod tayo sa mga batas at regulasyon na itinatakda ng mga lokal na pamahalaan at ng pambansang gobyerno para sa sarili nating kaligtasan at kapakanan, gayundin para sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga pasahero, kapwa biyahero, at mga pedestrian.