TAPOS na ang local at national elections. Naglahong parang bula ang mga political ad sa radyo at telebisyon ng mga sirkero at payaso sa pulitika na masalapi at nakahilata sa kayamanan. Marami sa ating kababayan ang natuwa at nagpasalamat sapagkat nawala na ang kanilang kinaiinisan sapagkat paulit-ulit na lamang ang mga ito.

Sa mga kababayan naman nating naniniwala sa sistema ng demokrasya, nagpasiya na ang mga botante kung sinu-sino sa mga kandidato ang may sapat na talino, matino, maaasahan at panghahawakan ang mga binitiwang pangako.

Nagbunyi naman sa local level ang mga nagwagi sa halalan lalo na ang kanilang mga supporter na nagpuyat at hinintay ang resulta ng bilangan hanggang sa maiproklama ang kanilang inihalal na mga kandidato. At sa mga hindi naman nagwagi, hindi nila matanggap na sila’y natalo dahil nadaya umano sila.

Dahil dito’y asahan na naman ang mga protesta sa Commission on Elections (Comelec). Umaasa ang mga nabigo na baka mabago ang resulta at sila ang mananalo. Sa paniwala ng iba ay aksaya ng salapi at panahon ang protesta sapagkat bago magkaroon ng desisyon ay tumatagal ng tatlong taon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa national level, sa simula pa lamang ng pagbibilang ng mga boto ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting(PPCRV), umarangkada at nanguna na agad ang machong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Pangalawa si dating DILG Secretary Mar Roxas, at pumangatlo si Senador Grace Poe, na sinundan ni VP Jojo Binay, at panglima naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago. At habang nagpapatuloy ang bilangan, patuloy din ang pagdagsa ng milyong boto ni Mayor Digong Duterte. Dahil dito, maagang nag-concede si Sen. Poe kay Mayor Duterte. Nagpasalamat ang una sa ating mga kababayang nagbigay ng suporta.

Sumunod namang nag-concede si Sec. Mar Roxas. Nagpa-press conference siya sa headquarters ng Liberal Party sa Cubao, Quezon City. At si VP Jojo Binay ay nag-concede naman nitong Huwebes ng gabi.

Sa vice presidential race, umabante agad si Senador Bongbong Marcos at sinundan ni Rep. Leni Robredo. Ngunit pagsapit ng madaling-araw, nalamangan na ni Robredo ang junior ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos. Dahil dito, nagtaka at nagduda na ang mga supporter ni Sen. Bongbong Marcos. Naghinalang may nagaganap na dagdag-bawas sa bilangan. Dahil dito ay nagprotesta ang ilan sa mga supporter ni Sen. Bongbong Marcos sa Rizal Park sa Maynila. At sa paghihinalang may nagaganap na pandaraya sa bilangan ng boto, hiniling ni Sen. Bongbong Marcos na ihinto ang bilangan. Sagot at hamon naman ng Comelec sa paratang ni Sen. Bongbong Marcos: Ipakita ang mga ebidensiya na hindi tama ang pagbibilang ng PPCRV. (Clemen Bautista)