Magdaraos ng special elections ang Commission on Elections (Comelec) sa nasa 52 clustered precinct sa bansa bukas, Mayo 14, matapos magkaroon ng failure of elections sa mga naturang lugar nitong Lunes.

Sa press briefing, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na nag-akda ng Comelec Resolution No. 10129 ang en banc na nagdedeklara ng failure of elections sa 52 clustered precinct na may 17,657 rehistradong botante.

Nabatid na walang naimprentang official ballot para sa isang clustered precinct sa Barangay Gabi, Cordova sa Cebu habang nagkapalit ang mga official ballot sa isang clustered precinct sa Maitum, Sarangani at sa isang clustered precinct sa Sta. Cruz, Marinduque.

Wala namang official ballot sa tig-isang clustered precinct sa Bgy. Mabuyong, Anini-y at Bgy. Insubuan, San Remigio sa Antique.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nagkaroon naman ng problema sa seguridad sa mga clustered precinct sa Bgy. Roxas, Lope de Vega, sa Northern Samar at Matuguinao-Nagpapacao sa Western Samar.

Aabot sa 26 na clustered precinct naman ang apektado ng failure of elections sa 26 na barangay sa Binidayan, Lanao del Sur matapos na ilipat ang mga polling precinct nang walang kaukulang awtorisasyon dahil sa banta sa kaligtasan ng mga board of election inspector (BEI).

Anim na clustered precinct naman sa Pata (Daungdong, Kamawi Island, Kayawan, Likud, Niog-niog at Timuddas) at 10 sa Panglima Estino (Gagguli, Gata-gata, Jinggan, Kamih, Pungud, Lihbug, Kabaw, Lubuk-lubuk, Pandakan at Tiptipon) sa Sulu ang hindi nakaboto ang mga botante dahil hindi nag-report ang mga BEI.

Nagkaroon naman ng sunog sa voting center sa Tamparan, Lanao del Sur kaya naapektuhan ang tatlong clustered precinct sa Dilausan, Bangun at Dasumalong. (Mary Ann Santiago)