Patay ang isang 15-anyos na lalaki matapos kuyugin ng tatlong kabataan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Chrysler John Tolentino, residente ng Madrid Extension sa Tondo. Dead on arrival si Tolentino sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Sta. Cruz, dakong 3:45 ng umaga kahapon.

Ayon kay Detective Dennis Turla, naglalakad ang biktima kasama ang kanyang kaibigan na si Brian Laquindanum, 15, sa panulukan ng N. Zamora at Perla Streets sa Tondo nang lapitan ito ng isa sa tatlong suspek na nagsabing: “Gusto mong ipalo ko sa iyo ‘yang gitara mo?”

“Sige nga, ipalo mo,” tugon umano ni Tolentino.

National

2 taga-Laguna na parehong nanalo sa magkahiwalay na Lotto 6/42 draw, kumubra na ng premyo

Sa puntong ito, sinugod ng tatlong suspek sina Tolentino at Laquidanum at nagsalitan sa paggulpi sa dalawang binatilyo hanggang bumagsak ang una sa kalye at nagsitakas sila.

“Wala namang sugat ‘yung biktima, maliban dun sa gasgas sa kanyang mga tuhod. Malamang, nabagok ang ulo nito.

Hinihintay pa namin ‘yung resulta ng autopsy,” ayon kay Turla.

Samantala, sinabi ng pulisya na nagtamo ng konting galos si Laquindanum bunsod ng insidente.

Kinilala ng pulisya ang tatlong suspek na sina Regor Vincent Quebral, 21, Jester Atao, 23, at isang 17-anyos na lalaki, na pawang pinaghahanap ng pulisya. (Mary Ann Santiago)