KAPANI-PANIWALA na sa pangkalahatan, maayos na naidaos ang katatapos lamang na presidential polls. Gayunman, kapani-paniwala rin na may mga pagkukulang pang dapat maisaayos ang Commission on Elections (Comelec) upang tuluyang makamit ang inaasam na H.O.P.E (Honest, Orderly and Peaceful Elections) at C.H.A.M.P (Clean, Honest, Acceptable, Meaningful and Peaceful) sa mga susunod pang halalan.

Ngayon pa lamang ay dapat nang pagtuunan ng Comelec ang nakapanggagalaiting mga karanasan ng Persons With Disabilities (PWDs) at senior citizens.

Ang mga grupong ito, malimit tawaging marginalized group o dehadong mamamayan, ay masyadong nahirapan sa pagboto.

May pagkakataon na ang ilan sa kanila ay kinailangang pumanhik nang napakataas para lang makapunta sa kanilang presinto. Gayunman, hindi nila inalintana ang ganitong mga balakid dahil sa kanilang pagpapahalaga sa karapatan sa pagboto. Ang ganitong sitwasyon ay ibayong pagpapahirap sa mga may kapansanan at sa katulad naming nakatatandang mamamayan na ang karamihan ay uugud-ugod na.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Walang dapat itanggi ang Comelec sa paglalaan ng maliit na voting corner para sa PWDs at senior citizens sa lahat ng presinto, kaakibat ito ng pagtatalaga ng mga volunteer worker na aayuda sa naturang grupo. Kung maaari, sila ay dapat mapabilang sa mga binibigyan ng karapatang makaboto bago pa man idaos ang halalan.

Tulad ng pagkakataong ipinagkakaloob sa mga sundalo, pulis at sa mga miyembro ng media na kailangang maunang tumutok sa kanilang election duties. Ito ang tinatawag na advanced voting. Sa gayon, hindi na sila masasabay sa pagdagsa ng mga botante na walang malasakit sa mga may kapansanan at nakatatanda.

Kailangan ang ibayong pagpapaigting ng Comelec sa utos nito hinggil sa gun at liquor ban. ‘Lagi tayong ginugulantang ng kaliwa’t kanang pagpaslang na pati ang mga nananahimik na sibilyan ay nadadamay.

Totoong marami pang problema ang dapat isaayos ng Comelec upang lalong maging katanggap-tanggap at may integridad ang ating mga eleksiyon. (Celo Lagmay)