Jen at John Lloyd copy

MAHIYAIN si Jennylyn Mercado. 

Ito ang description ni Ketchup Eusebio sa bago nilang co-star ni John Lloyd Cruz sa Just The Three of Us na ipapalabas na bukas sa mga sinehan. 

Isa sa mga paboritong sidekick ni John Lloyd si Ketchup na laging napapalutang, kaya nagiging memorable sa viewers, ang minor characters na ginagampanan niya. May ‘K’ siyang magsalita tungkol sa obserbasyon niya sa “bago” nilang Kapamilya, kaya siya ang una kong kinausap sa mini-presscon ng Just The Three of Us bago ang major stars. 

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

“Matagal ko na siyang napapansin,” sabi ni Ketchup. “Kahit noong una pa, ‘pag napapanood ko ang movies niya, naiisip ko, siya ang pinakamahusay sa kabila (GMA Network). Di ba kami (sa ABS-CBN) meron ding mahuhusay, sa kabila, siya naman. Malawak ang range ni Jennylyn, hindi siya sumasalang sa camera na hindi niya nauunawaan ang character niya. 

“Kaya ngayong nakatrabaho ko siya, bumilib ako na kahit isa sa mga pinakasikat at pinakamagaling na aktres ngayon, wala siyang ere. Mahiyain talaga.”

Pakompronta ang tanong ko kay Jen nang siya naman ang makausap ko, bakit mahiyain ang description sa kanya?

Nanghawak ng kamay bago nakasagot.

“Bagong salta ako sa kanila, eh,” sagot niya. “Hindi naman puwedeng magmaganda agad,” sabi pang natawa. “At hindi na po ako ‘yon kung magmamaganda ako, kuya.”

Sabi ko, bakit ka mahihiya sa kanila? Kasing husay mo rin sila.

“Naku, hindi po ‘yon gano’n! Hindi puwede na porke ano... gano’n! Sasabunutan ako ng mama ko!”

Hindi puwede ‘yan, Jen, hirit ko pa. Simula noong una ka naming makasama ganyan ka, hanggang ngayon ganyan ka pa rin?

“Eeeeh!” sabing nanghawak uli ng kamay.

Siyempre kunwari lang naman ang galit-galitan ko. Dahil ang totoo, mas nakakatuwa na malamang napapanatili ni Jennylyn ang kawalan ng ere o yabang na hindi napapanatili ng ibang artistang sumisikat.

Marami ang namimisteryuhan sa career ni Jen. Hayun at kung anu-ano na ang napasukang intriga lalo na noong nagsisimula pa lang, naging single mom at nagulo ang buhay at career, pero lalo pang lumalakas ang box office power at halos lahat ng major leading men ay gusto siyang makasama sa pelikula.

Kung susubukan ng ibang artista na gayahin si Jennylyn, na hindi pinapaakyat sa ulo ang kasikatan, tiyak na malalaman nila na ito ang misteryo.

(Bukas, ang impression naman sa kanya ni Lloydie.) (DINDO M. BALARES)