Inaprubahan ng Philippine Racing Commission (PRC) ang resolusyon na nagbabawal at magpapataw nang mas mabigat na parusa sa paggamit ng mobile phone ng mga Philracom licensees sa ipinagbabawal na lugar.
Batay sa Resolution No. 30-16, na ipinasa nitong Abril 13, inamyendahan nito ang Philippine racing rule (PR) 60 na nagbibigay ng multa sa hindi tamang paggamit ng teknolohiya sa communication.
Ipinagbabawal ang mga gadgets tulad ng ‘cellular o mobile phone, personal digital assistant, smart phone and other similar communication devices that use wireless communication network or the internet” sa lugar ng stewards at judges stand, jockeys’ quarter, paddocks, starting gate, at computer room.
Ang mga lalabag na Philracom licensee, kabilang na ang horseowner, trainer at jockey, at papatawan ng suspension na anim na buwan at multang P30,000 para sa unang pagkakaton; isang taong suspension at multang P60,000 para sa ikalawang pagkakataon; at pagbawi sa lisensya at multang P100,000 sa sa ikatlong pagkakataon.
Ang suspension ay mas mahaba sa naunang kaparusahan na ipinasusunod ng Philracom.
Inatasan din ang lahat ng racing club na maglagay ng closed-circuit television (CCTV) cameras at audio equipment sa mga ipinagbabawal na lugar upang masubaybayan ang kilos ng mga personnel ng karerahan, gayundin ng mga Philracom licensee.