SA kabila ng ‘di kanaisnais na rape joke ni Mayor Rodrigo Duterte na ikinadismaya ng ilang sektor ng lipunan, kabilang ang grupo ng kababaihan at Commission on Human Rights (CHR), parang balewala ito sa kamalayan ng mamamayan.

Sa huling survey ng Social Weather Station nitong Abril 18-20, nagtamo si Digong ng 33% at si Sen. Grace Poe naman ay 24%. Si Mar Roxas ay merong 19%, si VP Binay ay 14% at si Sen. Miriam Defensor Santiago ay may 2%.

Sa pagka-bise presidente, nangunguna ngayon si CamSur Rep. Leni Robredo na may 25%. Sinundan nina Sen. Bongbong Marcos na may 25% at Sen. Chiz Escudero na dumausdos sa 18%. Ito kayang surveys na ito ay talagang mapaniniwalaan o ito ay “bayaran” lang at “pera-pera” na pinagkakakitaan ‘tulad ng sapantaha ng ilang kritiko? Abangan na lang natin ang resulta ng eleksiyon sa Mayo 9.

Nangangamba ang may 55 milyong botante na mauwi sa dayaan ang darating na halalan at baka masayang ang kanilang boto dahil sa tinatawag na “Comeleak” o malawakang leak mula sa database ng Comelec. Bukod sa electoral fraud, maaari din umanong magamit ang pagkaka-hack sa voter database sa paggawa ng mga krimen at iba pang ilegal na gawain. Gayunman, naninindigan ang komisyon na hindi malalagay sa panganib ang May 9 national elections.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Siyanga pala, sa ika-3 presidential debate sa Pangasinan, itinampok ang mga performance ng mga kandidato. Walang masyadong “fireworks” na inaasahan ng mga tao bunsod ng birong-panggagahasa ni Digong. Hindi kinuyog nina Nognog, Pulot, Robot, at Tigre ang machong alkalde hinggil sa kanyang biro sa Australian missionary na si Jacquiline Hamill na na-gang rape sa Davao Prisons. Siya raw bilang mayor ang dapat nauna sa panggagahasa. Ligtas na naman ang matabil na dila ni Mang Rody.

Kaugnay nito, sa lokal na pulitika, inilahad ni Manila Rep. Atong Asilo, kandidato ng Liberal Party sa pagka-vice mayor ng Maynila, ang kanyang performance. Dalawang college building, isa sa Arroceros at isa sa kanyang distrito, ang kanyang naipatayo. Nakapagpatayo rin siya ng apat na public condo na may clubhouse at pool sa distrito niya.

Kapag siya’y nanalo, magpapatayo pa siya ng mga ito sa iba pang mga distrito.

Nangako si Cong. Atong na magkakaloob siya ng tig-P2,000 sa bawat senior citizen kada taon bilang pagkilala sa kanilang ambag sa lipunan. Tiniyak niya na hindi isusulong ang privatization ng mga palengke sa Maynila. Bilang anak ng isang public vendor sa Pritil, dama umano niya ang damdamin ng mga ito.

Bago naging Kinatawan ng Tundo, si Asilo ay naging barangay captain muna at naging konsehal. May bansag siyang Pambato ng Tundo at naniniwala sa nobela ni Andres Cristobal Cruz na “Sa Tundo Man, May Langit Din.” Ngayon, naniniwala siyang “Sa Maynila Man, May Paraiso Rin.”

Iginigiit nga pala ng mga botante na bukod sa brownout, PCOS hokus-pokus, maaari raw maganap ang dayaan dahil sa “Comeleak.” Aba, Mang Andres (Chairman Andres Bautista) at Uncle James (spokesman James Jimenez), sarhan na ninyo agad ang “leak” na ito habang hindi pa umuulan, este nagkakadayaan, dahil baka ang maging presidente natin sa loob ng anim na taon ay sira-ulo o isang sakitin na hindi kayang patakbuhin ang operasyon ng gobyerno! (Bert de Guzman)