Jeremy Lin, Dwyane Wade, Hassan Whiteside

Clippers star, injured; Portland at Hornets, tabla; Thunder, lumusot.

PORTLAND, Oregon (AP) — Tinamaan ng lintik, ika nga sa matandang kawikaan ang kampanya ng Los Angeles Clippers.

Nabalian ng buto sa kanang kamay si Chris Paul at muling nanakit ang dating pinsala sa kaliwang balakang ni Blake Griffin, sapat para makabangon ang Portland Trail Blazers sa Game 4 Lunes ng gabi (Martes sa Manila), para maitabla ang kanilang Western Conference first round playoff sa 2-2.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hataw si Al-Farouq Aminu sa career-high 30 puntos, habang kumana si CJ McCollum ng 19 na puntos para sandigan ang Blazers sa 98-84 panalo kontra Clippers.

Hindi na nakalaro si Paul nang ma-injured sa kanang kamay nang kanyang tangkang pigilan ang lay up ni Gerald Henderso. Wala pang opisyal na pahayag ang Clippers sa uri ng injury, subalit nadagdagan ang agam-agam sa koponan nang hindi na rin magbalik sa laro si Griffin may anim na minuto pa ang nalalabi.

Nagtumpok si Griffin ng 17 puntos bago na-injured, habang kumubra si Jeff Green ng 17 puntos. Kumana si Paul ng 16 na puntos.

Gaganapin sa Los Angeles ang Game Five sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Tangan ni Paul ang average na 26.3 puntos sa kasalukuyang playoff.

THUNDER 118, Mavs 104

Sa Oklahoma City, ginapi ng Thunder, sa pangunguna ni Russell Westbrook na kumubra ng 36 na puntos, 12 rebound at siyam na assist, ang Dallas Mavericks para isara ang kanilang best-of-seven playoff sa 4-1.

Ratsada rin si Kevin Durant na may 33 puntos, habang nagsalansan si Steven Adams ng 15 puntos at 10 rebound para mailusot ang Thunder tungo sa semi-finals.

Makakaharap nila ang San Antonio Spurs sa best-of-seven semi-finals simula sa Sabado (Linggo sa Manila).

Naitarak ng Oklahoma ang 50.6 porsiyentong shooting sa field at ginapi ang Mavs sa rebound, 42-35.

Nanguna si Dirk Nowitzki sa Mavs sa 24 na puntos, habang nag-ambag sina Justin Anderson at Zaza Pachulia ng 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

HORNETS 89, HEAT 85

Sa Charlotte, N.C., naitala ni Kemba Walker ang playoff career-high 34 na puntos at kumubra si Jeremy Lin ng 21 puntos sa dikitang panalo kontra sa Miami Heat at maitabla ang kanilang serye sa 2-2.

Umiskor si Walker ng 11 sunod na puntos sa krusyal na sandali ng final period, habang naisalpak ni Courtney Lee mula sa offensive rebound ang dalawang free throws para tuldukan ang panalo may 4.6 segundo ang nalalabi.

Naitarak ng Hornets ang pinakamalaking bentahe sa 18 puntos sa third period, ngunit nagawang maibaba ng Heat ang bentahe sa dalawang puntos may 6:07 sa laro.

“We fought so hard tonight,” pahayag ni Lin, umiskor ng 10 puntos sa isang stretch ng final period.

“Up 18 and then all of sudden up one. We put everything out there and I’m glad we got the win.”

Gaganapin ang Game Five sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Miami.

Nalimitahan si Dwynne Wade sa 11 puntos, habang tumipa sina Je Johnson at Luol Deng ng 16 at 5 puntos, ayon sa pagkakasunod.