Walong babae mula sa iba’t ibang lalawigan, kabilang ang isang buntis na biktima ng panggagahasa, ang nailigtas ng mga pulis makaraang salakayin ng mga ito ang isang recruitment agency sa Caloocan City, nitong Linggo ng umaga.

Sa report kay Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, pansamantalang inilagak ang mga babaeng na-rescue sa City Social Welfare and Development Office (CSWD), para sumailalim sa counseling.

Kabilang sa mga ito ang anim na menor-de-edad.

Nailigtas din ang isang 16-anyos na tatlong-buwang buntis at ang suspek sa panghahalay sa kanya na si Michael Vazquez, 21, staff ng Albert Job Placement Services, na matatagpuan sa No. 430 Boni Serrano Street, EDSA, Caloocan City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Base sa report, nakatanggap ng tawag ang Police Community Precinct (PCP) 1, na pinamumunuan ni Chief Insp. Avelino Protacio 11, mula sa PNP Hotline 117 at ini-report ang kalagayan ng kababaihan sa nasabing placement services.

Dakong 11:00 ng umaga nang ikinasa ang operasyon at pinuntahan ng mga pulis ang nasabing lugar at dito nakita nila ang mga babae sa isang kuwarto.

Ayon sa mga biktima, inalok sila na mamasukang kasambahay, pero ginugutom umano sila ng namamahala sa nasabing establisimyento at ang iba sa kanila ay walang trabaho. (Orly L. Barcala)