ANG World Book and Copyright Day (WBCD) ay tinatawag din na International Day of the Book o World Book Day. Unang ipinagdiwang noong 1995, ang araw ay taunang ginugunita tuwing Abril 23 sa mahigit 100 bansa. Ang isang buong araw na selebrasyon ay inorganisa ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) upang isulong ang pagbabasa, paglalathala, at copyright. Layunin ng selebrasyon na: Itaguyod ang kamulatan sa importansiya ng pagbabasa, pagsisikap na mabigyan ng access sa mga libro ang lahat, at pagtuturo sa mamamayan sa tamang pangangalaga ng mga pasilidad sa silid-aklatan, at pagdiriwang sa mga libro.

Para sa 1995 General Conference ng UNESCO, lohikal na piliin ang Abril 23 sa pagbibigay-pugay sa mga libro at mga awtor, at himukin ang lahat, partikular ang kabataan, na tuklasin ang kasiyahan sa pagbabasa at magkaroon ng panibagong respeto para sa pambihirang kontribusyon ng mga nagsisikap na mapaunlad ang lipunan at kultura ng sangkatauhan sa tulong ng libro. Sa petsang ito noong 1616, tatlong icon—sina Cervantes, Shakespeare, at Inca Garcilaso de la Vega—ang pumanaw. Ito rin ang petsa ng kapanganakan o pagpanaw ng iba pang prominenteng manunulat.

Ito ang dahilan sa paglikha ng UNESCO ng UNESCO Prize for Children’s and Young People’s Literature in the Service of Tolerance.

Ngayong taon, ang titulo bilang World Book Capital City ng UNESCO ay igagawad sa siyudad ng Wrociaw sa Poland, mula sa lungsod ng Korea na Incheon. Ang World Book Capital ay iginagawad ng UNESCO sa isang lungsod bilang pagkilala sa kalidad ng mga programa nito sa pagsusulong ng mga libro at pagbabasa at isang pag-aalay sa mga nagsisipamayagpag sa industriya ng libro. Ang pagtatalaga ay sisimulan sa WBCD (Abril 23 ngayong taon) ng UNESCO hanggang sa Abril 22 ng susunod na taon. Inimbitahan ng ahensiya ng United Nations ang International Publishers Association, ang International Federation of Library Associations and Institutions, at ang International Booksellers Federation upang makibahagi sa proseso ng nominasyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa Pilipinas, ang Dia del Libro ay ioorganisa ng Instituto Cervantes de Manila, ng Embahada ng Spain sa Pilipinas, ng National Commission for Culture and the Arts, ng National Book Development Board, ng Komisyon sa Wikang Filipino, at ng Intellectual Property Office ng Pilipinas, sa pakikipagtulungan ng Ayala Land, WTA Architecture and Design Studio, ng Spanish Agency International Cooperation for Development, ng LA Camara-Spanish Chamber of Commerce, ng National Library of the Philippines, ng Vibal Foundation, at ng mga pangunahing bookstore sa Maynila.

Kabilang sa mga aktibidad ng Dia del Libro ang pagdadala ng may 4,000 libro sa Ayala Triangle; paghamon sa mga mahihilig sa libro na isulat-kamay ang nobelang Espanyol na “Don Quixote”; paglulunsad ng “Relatos,” isang koleksiyon ng maiikling kuwento ng manunulat na Batangueño na si Enrique Laygo (1897-1932), na bagong titulo sa koleksiyon ng proyektong Clasicos Hispanofilipinos ng Instituto; at inagurasyon ng “The Book Stop”, isang 3x4 meter non-profit library na magdi-display ng daan-daang libro para sa kasiyahan ng buong komunidad.

Magbebenta rin ng mga libro, nang may diskuwento, ang mga pangunahing bookstore at publishing house, at alinsunod sa tradisyon ng “Dia del Libro” ng Spain, ay magbibigay ng isang rosas sa bawat librong mabebenta.

Sa paglalarawan ni UNESCO Director-General Irina Bokova, sinabi niyang ang libro ay “a bridge between generations across cultures… a force for creating and sharing wisdom… embodying the diversity of human ingenuity, giving shape to the wealth of human experience, expressing the search for meaning and expression that all women and men share, that drive all societies forward. Books help weave humanity together as a single family, holding a past in common, a history and heritage, to craft a destiny that is shared, where all voices are heard in the great chorus of human aspirations.”