Tumulak kahapon patungong Medan, Indonesia ang Batang Gilas Pilipinas para sumabak sa SEABA Under-18 Championship simula bukas.

Nagsagawa ng kanilang huling ensayo ang Philippine youth team sa Meralco Gym para maihanda sa inaasahang mabigat na laban sa opening day kontra Thailand sa Angkasapura Lanud Hall.

Ayon kay national coach Mike Oliver, pinaghandaan nilang mabuti ang torneo para masigurong makuha ang isa sa tatlong slots na nakalaan dito para sa Fiba-Asia Championship sa Iran.

“Lahat ng countries are catching up,” sambit ni Oliver. “Lahat gusto tayong maka-level or, as much as possible, talunin. Walang pupunta sa tournament na sasabihin, talo na kami,” aniya.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pangungunahan ang Batang Gilas nina Ateneo juniors standout Jolo Mendoza at Gian Mamuyac, kasama sina dating Fiba 3x3 cager Joshua Sinclair ng National University, at NCAA Finals MVP Evan Nelle ng San Beda, Jonas Tibayan, Will Gozum, John Bahio, Pedro Alfaro, Fran Yu, Rendell Lee, Joshua Flores, at Alain Jethro Madrigal.

May kabuuang anim na koponan ang sasabak sa SEABA tilt kabilang ang Indonesia, Malaysia, Singapore at Laos.

Batay sa format, maglalaro ang mga kalahok sa single round-robin elimination kung saan ang mangungunang dalawang koponan ay maglalaban sa championship sa Abril 28.

“As of now, wala pa tayong idea kung paano sila maglalaro pero ineexpect namin na mas matangkad sila sa atin, which is always naman. Ang hinahabol natin ay makapag-prepare ng maayos para kahit anong klaseng team na makakalaban natin, at least, handa tayo,” pahayag ni Oliver.