NAKAHANDA umano ang mga bansa at mga tinatawag na mega-city sa natural calamity mula sa tinatawag na cyclone hanggang sa mga lindol. Ito ay ayon sa report na inilabas may dalawang linggo na ang nakakaraan.
At kabilang sa mga mega-city na ito ang Metro Manila, na haharap sa triple threat mula cyclone, super storms at mga lindol.
Isipin pa lamang ay nakakikilabot na ang report na ito. Sa bagyong Yolanda pa lamang at mahihinang lindol na ating naranasan ay halos lumumpasay na sa hirap ang ating bansa at ang mga mamamayan, at kung mangyari nga ang balitang ito (huwag naman sana), papaano pa kaya ang magiging buhay nating mga Pilipino?
Ang Maynila ang nangunguna sa talaan ng mga lungsod sa dami ng mga taong hantad, ayon sa Natural Hazards Vulnerable Index mula sa risk analyst na si Verisk Maplecroft.
Sumusunod sa Maynila ang Tokyo at Jakarta.
Matagal nang may babala ang mga eksperto sa posibleng pagkakaroon nang malakas na lindol sa Metro Manila. Sa katunayan, puspusan ang paghahanda noon kung sakaling dumating ang sakuna.
Nasa Metro Manila ang daanan ng fault na pagmumulan nang malakas na lindol kaya’t noon pa ay inihahanda na ng ating mga opisyal ang mga mamamayan kapag dumating ang oras na iyon.
Ngunit ang babala ni Maplecroft ay hindi lamang nakasentro sa lindol. Kabilang din dito ang nakakatakot na super storm at cyclone.
Ang mga nagaganap lamang sa kasalukuyan sa ating bansa ay nakakawalan na ng pag-asa. Ang malulubhang krimen, laganap na kagutuman, kawalan ng hanap-buhay, sobrang kahirapan, bukod pa sa pananamantala ng mga nanunungkulan sa gobyerno, ay nakapaninikip ng dibdib.
Ngayon, ang isiping nahaharap pa tayo sa malulubhang panganib ay isa nang napakatinding parusa.
Ngunit mahirap sagkaan ang parusa ng kalikasan. Ang tangi nating sandata sa nakaambang panganib na iyan ay ang panalangin, sapagkat Diyos lamang ang makatutulong sa atin at makalulutas sa problemang iyan.
Huwag nating abusuhin ang kalikasan dahil sa atin din ang balik nito. (Rod Salandanan)