Inabsuwelto ng Sandiganbayan Fifth Division sa kasong graft ang isang alkalde sa Romblon bunsod ng pagtatalaga sa live-in partner ng kanyang anak bilang kanyang executive assistant noong 2009.

Sa 21-pahinang desisyon, ibinasura ng Fifth Division ang kasong graft na inihain laban kay Sta. Fe Mayor Asher Visca, at kay Ruth Gallos na itinalaga ng alkalde bilang kanyang executive assistant, dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

“At this instance, the Prosecution failed to present evidence tending to show that accused Visca was impelled by some dishonest purpose to disregard law or procedure in creating a vacant position to be filled by accused Gallos, his son’s common-law wife,” nakasaad sa desisyon ni Associate Justice Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta at kinatigan nina Chairman Roland Jurado at Associate Justice Alexander Gesmundo.

Ipinag-utos din ng ant-graft court na ibalik ang piyansang inilagak ng mga akusado at ang pagbawi sa hold departure order na inilabas laban sa kanila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Una nang kinasuhan ng Office of the Ombudsman ng graft si Visca sa pagkakatalaga ni Gallos bagamat wala namang ipinasang resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Sta. Fe sa pagbubuo ng posisyon ng executive assistant.

Subalit, iginiit ng korte na ang posisyon ng Executive Assistant I ay nasa personnel schedule para sa 2009 budget at nakasaad din sa 2009 Appropriation Ordinance. - Jeffrey G. Damicog