Patay ang isang pitong taong gulang na lalaki habag kritikal ang kanyang ina at babaeng kapatid matapos matupok ng sunog ang kanilang bahay sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Onyx Garcia, na nalagutan ng hininga nang isugod sa Ospital ng Parañaque.

Ayon sa arson investigators, naipit si Onyx sa ikalawang palapag ng kanilang apartment unit sa Barangay Tamarraw Court, Tambo, Parañaque City.

Sinabi ni Chief Insp. Wilson Tana ng Parañaque Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog noong Martes, dakong 10:27 ng gabi, habang natutulog si Onyx kasama ang kanyang kapatid na si Chloe, tatlong buwang gulang, at ang ina niyang si Cindy, 33.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Kapwa isinugod ng mga rumespondeng bumbero sina Cindy at Chloe sa San Juan de Dios Hospital dahil sa tinamong sunog sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Napag-alaman din ng mga bumbero na nakakandado ang silid ng mag-iina nang magsimula ang sunog kaya nahirapan ang mga itong makalabas.

“Nakataob pa ‘yung biktima sa ibabaw ng kama nang makita ng mga rumespondeng bumbero ‘yung mag-iina. Sinubukan siyang i-revive at nakuha pang dumilat. Kaya lang DOA na sa ospital,” pahayag ni Tana.

“’Yung kapatid niya naman ay sa bintana na idinaan dahil sa kapal ng usok. Mabuti na lamang at agad nakaresponde ang mga bumbero kundi nadamay ang mga katabing bahay dahil sa light materials lang gawa eh,” dagdag ni Tana.

(MARTIN A. SADONGDONG)