DAHIL sa kabi-kabilang karahasan ang kinasasangkutan ng mga pulitiko at iba pang sibilyan, tila malabong maidaos ang isang mapayapang halalan. Marami pa rin ang nag-aagawan ng kapangyarihan, kabilang na rito ang mismong magkakaalyado sa pulitika at magkakamag-anak na pinaghaharian ng kultura ng paghihiganti.
Maliwanag na ito ang dahilan ng bagong direktiba ni Police Director General Ricardo Marquez hinggil sa pagpapaigting ng operasyon sa mga lugar na mainit ang labanan ng mga pulitiko. Kaakibat ito ng paglalagay ng siyam na lalawigan sa Election Watchlist Areas (EWA) ng Philippine National Police (PNP). Ibig sabihin, dadagdagan ang police units bilang paghahanda sa pagsiklab ng karahasan.
Kabilang sa mga lalawigan na ipinailalim sa EWA ang Abra, Nueva Ecija, Lanao del Norte, Pangasinan, Masbate, Negros Oriental, Western Samar, Maguindanao, at Lanao del Sur. Ang naturang mga lugar ang malimit pangyarihan ng madudugong karahasan. Patayan ba ang libangan sa nabanggit na mga lalawigan, lalo na kung may eleksiyon?
Isinabay rin ng PNP ang puspusan nilang pagmamanman sa mga Private Armed Groups (PAGs) sa iba’t ibang panig ng bansa. Umaabot na sa 85 ang PAGs sa Luzon; ang iba ay matatagpuan sa Mindanao, lalo na sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM). Sinasabi na ang mga ito ay inaalagaan, wika nga, ng ilang pulitiko sa pakikipagsabuwatan sa grupo ng mga rebelde. Ang mga ito ay marapat na makontrol, kundi man ganap na malipol, para sa katiwasayan ng halalan.
Tuwing lumulutang ang isyu hinggil sa mga karahasang pampulitika, laging sumasagi sa aking kamalayan ang tinaguriang “noontime massacre” sa aming maliit na bayan sa Nueva Ecija. Ang karumal-dumal na eksenang ito ay naging dahilan ng kamatayan ng aming bunsong kapatid – si Mayor Rogelio Lagmay at tatlong iba pa – sa isang masaker sa mismong gusali ng munisipyo ng bayan. Ang iba pang pangyayari ay bahagi na lamang ng madilim na kasaysayan ng pulitika sa naturang lalawigan.
Hindi malilimutan ang Maguindanao massacre noong 2009 na ikinamatay naman ng 57 katao, kabilang na ang 30 kapatid natin sa media. Isa itong election-related killings; ang naturang mga biktima ay kasama sa paghahain ng kandidatura ni Gov. Esmael Mangudadatu na ngayon ay gobernador ng Maguindanao.
Walang hanggang pagtatanod ang lalong dapat paigtingin ng PNP upang matamo ng malinis, tahimik at kapani-paniwalang halalan. (Celo Lagmay)