ITINUTURING ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga nagdaang taon ng batas-militar (martial law) bilang Golden Years ng Pilipinas. Ang ibig sabihin ng Junior ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos, masigla at malusog ang ekonomiya ng ating bansa noong panahong iyon. Sa kabukiran, kapag malapit nang anihin ang tanim na palay, ang mga butil nito ay parang ginto sa sikat ng araw. Gayunman, hindi maiiwasan na sa tangkay ay meron ding mga walang laman na kung tawagin ay ipa o sa English ay chaff.

Sa palagay ninyo mga kababayan, lalo na kayong mga millenial (kabilang sina Jet at Chel), at aking mga anak na hindi nasilayan ang martial law, maituturing nga kayang Golden Years ang martial law na ipinairal ng diktador na Pilipino sa loob ng 14 na taon? Kung sabagay, may mga millenial katulad nina Chel at Jet na knowledgeable sa mga nangyari sa nakalipas na 21 taong pagrenda ni Apo Macoy sa gobyerno na kabilang ang 14 na taong batas-militar kaya batid nila ang katotohanan.

Giit pa ni Sen. Bongbong na kandidato ngayon sa pagka-bise presidente, kaalyado ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, kung hindi lang umano naputol ang martial law noong 1986, baka ala-Singapore na ngayon ang Pilipinas pagdating sa progreso at katahimikan dahil busog ang mga tao, hindi katulad ng mga magsasaka sa Kidapawan, North Cotabato na dumanas ng karahasan sa kamay ng pulisya gayong ang hinihingi ay bigas at hindi bala.

Gayunman, iba ang paniniwala ni ex-Prime Minister Lee Kwan Yew, ama ng Singapore. Nagtataka siya sa mga Pilipino kung bakit pinayagang makabalik sa ‘Pinas ang Marcos Family at ginantimpalaan pa ng mga puwestong pambayan. Si Imee Marcos ay governor, si Imelda Marcos ay congresswoman, at si Ferdinand Marcos Jr. ay isang senador.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon kay PM Lee Kwan Yew, grabe ang ninakaw ni ex-Pres. Marcos sa kabang-yaman ng bansa subalit wala kahit isang miyembro ng pamilya ang naipakulong sapul nang mapatalsik ang diktador sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mamamayan (People Power). May kasabihang madaling makalimot ang mga Pilipino at madali ring magpatawad.

Samantala, noong Martes ay bumulaga sa mga pahayagan ang malaking istorya tungkol sa “Panama Papers’ list Global tax avoiders”, na naglalahad na kabilang sa 500 Pilipino sina Gov. Imee at tatlong anak na lalaki—Ferdinand Richard Michael, Fernando Martin “Borgy”, at Matthew Joseph Manotoc, na nagtago ng kanilang kayamanan sa ibang bansa upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis.

Bukod kina Imee, kasama rin sa listahan ang pangalan ni Sen. JV Ejercito, anak ni Manila Mayor Joseph Ejercito, sa mga Pinoy sa itinuturing na “biggest leak of tax records comprising 11.5 million documents”, kung papaano nakapaglagak ang mga kilala at mayamang personalidad—pulitiko at showbiz people—ng santambak na yaman sa ibayong dagat. Habang sinusulat ko ito, wala pang nailalathalang komento sina Imee at JV sa report na ito ng isang investigative organization— ang International Consortium of Investigative Journalism (ICIJ). (Bert de Guzman)