APTOPIX NCAA Villanova North Carolina Final Four Basketball

Villanova, kampeon sa NCAA collegiate cage tournament.

HOUSTON (AP) — Parang pinagsakluban ng langit ang mukha ni Kris Jenkins nang harap-harapang maisalpak ni Marcus Paige ng North Carolina ang double-clutch 3 pointer para maitabla ang iskor.

Ngunit, ang huling halakhak ay nakatadhana para kay Jenkins at sa Villanova.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Sa krusyal na sandali, si Jenkins ang tamang shooter sa tamang pagkakataon para sa Villanova at sa isang makapigil-hiningang bitaw sa bola, walang aleng na naisalpak ang three-pointer sa buzzer para dalhin ang koponan sa tugatog ng tagumpay, 77-74, Lunes ng gabi (Martes sa Manila) para sa National Championship.

Tangan ng second-seeded Wildcats (35-5), ang anim na puntos na bentahe, may 1:52 sa laro, ngunit nagawa itong malusaw hanggang maitabla ang iskor sa 74, mula sa 3-pointer ni Paige may 4.7 segundo ang nalalabi.

Mula sa timeout, dinerektahan ni guard Ryan Arcidacono ang huling play ng Villanova at sa isang iglap natanawan ang libreng si Jenkins na mabilis namang nagpakawala ng sariling 3-pointer na siyang naging mitsa para sumambulat ang hiyawan sa Houston Arena.

“Kris told him he was going to be open, Arch made the perfect pass,” pahayag ni Villanova coach Jay Wright. “Kris lives for that moment.”

Sa post-game interview, walang pagsidlan ang kasiyahan ni Jenkins na humihiyaw habang yakap-yakap ang kanyang pamilya.

“They said we couldn’t, they said we couldn’t, they said we couldn’t. Oh yes, we could,” aniya.

Ito ang kauna-unahang kampeonato ng Villanova mula noong 1985, kung saan nasilat ng eight-seed, sa pangunguna ni Rollie Massimino, ang star-studded Georgetown.

Ngunit, mahirap tapatan ang kampeonato sa kasalukuyan.

Napabilang si Jenkins, inampon ng pamilya ni North Carolina guard Nate Britt, sa listahan ng mga pamosong player na nakagawa ng parehong game-winning tulad nina Keith Smart at Lorenzo Charles.

Nanguna si Paige sa top-seeded Tar Heels (33-7) sa natipang 21 puntos.